Hindi na nakapalag sa awtoridad ang dalawa umanong Akyat-Bahay member, nang makuha sa kanila ang mga ninakaw na gamit sa Valenzuela City kamakalawa.
Sa panayam kay Police Sr. Supt. Ronaldo O. Mendoza, hepe ng Valenzuela Police, kasong robbery (break-in) ang kinakaharap ng mga suspek na sina Michael Alob, 32, ng No. 628 Urrutia Street, Barangay Malanday, at Christopher Roque, 34, ng Pantaleon St., Malanday.
Nakatakas naman ang kanila umanong kasabwat na si Renato Dela Cruz, nasa hustong gulang, ng Road 1, Lingahan, Bgy. Malanday, Valenzuela City.
Sa salaysay ng biktimang si Roseanne Dagohoy, 24, ng 626A, bandang 7:00 ng umaga, ginising siya ng kanyang tatay, si Reynaldo, nang makitang bukas ang bintana at sira ang pintuan ng kanilang bahay.
Napagtanto ng mga biktima na pinasok sila Akyat-Bahay matapos madiskubreng nawawala ang shoulder bag, na may lamang mahahalagang gamit at pera, ni Roseanne.
Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar, nakitang itinapon ang bag ni Dagohoy malapit sa bahay ni Alob, kaya pinuntahan ito ng mga barangay tanod, sa pangunguna ni SPO1 Roberto Santillan ng Detective Management Unit (DMU).
Sa takot, itinuro ni Alob si Roque na siya umanong nagtapon ng bag ng biktima sa gilid ng kanyang bahay at ito ay pinuntahan at inimbitahan sa barangay hall.
Nang kapkapan, nakuha kay Alob ang tatlong sachet ng lotion na laman ng bag ni Dagohoy at nakuha naman kay Roque, itinago sa kanyang brief, ang singsing at hikaw ng biktima. (Orly L. Barcala)