PUPUGUTAN daw ni Pangulong Digong ang mga human rights advocate. Mukhang hindi na makalilimutan ng Pangulo ang malaking botong ipinanalo niya sa kanyang mga kalaban. Dahil dito, nasa ulo na niya ang kapangyarihan.
Eh, ang kapangyarihang ito ay sa taumbayan at ipinagkaloob sa kanya na may limitasyon. Ang mga limitasyong ito ay nakasaad sa Saligang Batas. Kung sa unang Saligang Batas, walang probisyon ukol sa karapatang pantao, ang ipinalit dito ng taumbayan ay may maliwanag na bahagi tungkol dito at sa nilikha nilang ahensiya ng gobyerno, ang Commission on Human Rights (CHR). Makasaysayan ito.
Nang ideklara ni dating Pangulong Marcos ang martial law at inagaw ang kapangyarihan ng bayan, ginamit niya ang gobyerno laban sa mamamayan. Upang mapanatili ang sarili sa kapangyarihan, ikinulong ang alam niyang tututol sa kanyang ginawa. Kinumpiska ang mga ari-arian ng mga taong trinato niyang kalaban. Maraming namatay at nangawala sa hanay ng mga magsasaka, manggagawa, mag-aaral at propesyunal. Dinilig ng dugo ng mga inosenteng tao ang inang bayan.
Pero, ang kaapihan ay laging may katapat na katarungan. Nang sama-sama nang mag-aklas ang mamamayan upang pairalin ang katarungan, tinibag nila ang moog ng diktadurya.
Sinamantala ng mamamayan ang bagong bukas sa pagbabago ng Constitution. Kaya, ito ay bunga ng kanilang mapait na karanasan sa ilalim ng traydor at mapaniil na pamamahala ng gobyerno. Inilagay nila rito ang kanilang natutuhan sa kasaysayan.
Upang mahadlangan ang pagbabalik ng nakaraan nang ang gobyerno ay ginamit sa pang-aabuso, minarapat nila na gawing bahagi ng Saligang Batas ang paggalang, pagtataguyod at pagtatanggol sa kanilang karapatang pantao. Sa pagkakaroon ng ganitong probisyon at hiwalay at malayang departamentong CHR, ginawa ng mamamayan na ang gobyerno mismo ay maging human rights advocate. Ang mga nasa gobyerno ay gawing kabaligtaran nang pinalitan nila at ginawang tagapagtaguyod at... tagapangalaga ng kanilang karapatan.
Pero, ibang klaseng tao ang pinagkalooban nila ng kanilang kapangyarihan. Mamumugot-ulo pala ito ng human rights advocate.
Kapag ang lipunan ay nawalan ng human rights advocate, mawawalan ito ng tatangan at magdedepensa sa lubid o linyang nakapagitan sa tao at hayop. Magiging gubat ang ating sibilisadong lipunan, na nangyari noong panahon ni dating Pangulong Marcos.
Ang mamamayani ay ang katwiran ng lakas at hindi lakas ng katwiran. (Ric Valmonte)