DIREK BRILLANTE AT KRISTOFFER copy

MAY bagong aabangan ang televiewers sa pagpapatuloy ng paglikha ng makabuluhang palabas ng premyadong direktor na si Brillante Mendoza para sa TV5, ang bagong episode ng Brillante Mendoza Presents na pinamagatang Panata.

Ipapakilala sa episode na mapapanood sa Sabado, Mayo 27, 10:30 PM, si Mario na ginagampanan ni Kristoffer King, isang anak na minana sa ama ang paggawa ng mga maskara sa Marinduque. Naghintay siya sa pagbabalik ng ama na nasaksihan niya nang arestuhin ng mga sundalo noong panahon ng martial law at natagpuan ang sarili sa gitna ng pakikibaka para sa kalayaan at nasyonalismo – ang simulain na siya ring ikinapahamak ng ama.

Humarap sa presscon sa Director’s Club sa Mega Fashion Hall ng SM Megamall si Direk Brillante bago nagkaroon ng film showing ng kanyang pinakahuling obra, at ipinahayag na alay niya ito sa mga kababayan natin na patuloy na nagbabantay sa ating kalayaan.

ALAMIN: Kung tuluyang mapatalsik ang bise presidente, sino ang papalit sa kaniya?

Kinunan sa Marinduque ang Brillante Mendoza Presents Panata na nagtatampok sa isa sa pinakapopular na Lenten rites dito sa Pilipinas – ang Moriones.

Matapang ang pagkakalikha sa Panata lalo na’t nagsimula ito sa martial law era at umabot hanggang sa pagbaril kay Ninoy Aquino hanggang sa post-Edsa era.

Inaasahan ni Direk Brillante na magbabalik-tanaw ang mga kababayan natin habang pinanonood ang mga naganap noong martial law. Exciting ang maaaksiyong eksena ng labanan ng mga militar at rebelde at relevant pa rin magpahanggang ngayon ang isinasalaysay nitong kuwento.

Pamilya, paninindigan, pagmamahal sa bayan at kalayaan. Ilan lamang ito sa mga paksang nakapaloob sa pinakabagong likha ng premyadong direktor. Huwag palampasin, mapapanood na sa Sabado.

Makakasama ni Kristoffer King sa episode na ito sina Felix Roco, Arnold Reyes, Sue Prado, Lou Veloso at Edwin Nombre.