NAPAKAHIRAP ng buhay ng fans o supporters ng mga artista.

Nakita namin sa katatapos na 25th Star Magic celebration sa Smart Araneta Coliseum nitong nakaraang Linggo ang napakaraming fans ng iba’t ibang artista sa labas ng venue, dala-dala ang naglalakihang streamers na gawa sa makapal na cardboard at nag-uusap-usap sila kung paano nila iuuwi ang mga ito. Bukod pa sa kapos na yata sila sa pamasahe pauwi.

Hindi na namin babanggitin kung kaninong pangalan ng artista ‘yung nabasa namin.

Ang supporters ng ibang artista ay magaan lang ang mga bitbitin at puwede nilang tiklupin, pero ‘yung iba ay gawa sa balloon at signage na umiilaw-ilaw pa.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Alas sais ng gabi nang mapadaan kami sa harap ng Big Dome habang papunta ng Gateway. Pagbalik namin, naroroon pa rin ang mga supporters/fans, naghihintayan ng desisyon kung paano maiuuwi ang dala-dala nilang streamer na gawa sa makapal na cardboard.

Ayon sa security guard ng Araneta, maaga pa lang ay nakapila na ang grupo sa venue, kaya kung hindi kami nagkakamali ay tiyak na kumakalam na ang sikmura nila.

Base sa mga itsura nila, gutom na sila.

Isinusulat namin ito para maiparating sa mga artista kung kumusta naman ang kalagayan ng kanilang fans pagkatapos ng show. Hirap na nga silang nakapasok sa venue dahil pumila ng napakaaga, huling pag-uwi ay kawawa.

Samantalang ang mga artista pagkatapos ng show ay sasakay na sa kanilang malalaki at malamig na sasakyan at puwede nang magpahinga.

Alam ng mga kakilala namin sa trabaho na malapit kami sa fans ng bawat artistang kakilala namin. Kinukumusta namin sila at inaalam ang kuwento ng buhay nila. Higit sa lahat, saludo kami sa katatagan nila dahil palagi silang naririyan, umulan man o umaraw.

At sila naman talaga ang bumubuhay sa masigla, makinang at maningning na industriyang kinokoberan namin.

(REGGEE BONOAN)