NAKIKIPAGTULUNGAN ngayon ang isang pandaigdigang organisasyon sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang subukan ang crowdsourcing gamit ang cell phone para mapag-ibayo ang pagsubaybay sa lagay ng taniman sa bansa.

Ayon sa Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations, nakatuon ito sa posibilidad na mapaunlad ng mga magsasaka, sa pamamagitan ng mga cell phone, ang pagtaya sa bilis at kalidad ng produksiyon ng mga tanim.

“The project is assessing the potential of SMS-based crowdsourcing technologies to strengthen agricultural market information systems,” sinabi ni Jose Luis Fernandez, ang kinatawan ng FAO sa Pilipinas, sa isang pahayag nitong Linggo.

Ayon sa kanya, mahalaga ang napapanahong pagtaya sa pananim sa pagresolba sa kawalang katatagan ng presyo ng pagkain, na may malaking implikasyon sa ekonomiya at maiiugnay sa mga usaping tulad ng pagkagutom at kahirapan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang crowdsourcing, aniya, ay isang paraan ng pagkalap ng impormasyon o kaalaman mula sa grupo ng mga magsasaka gamit ang teknolohiya, na nagbibigay ng napakaraming oportunidad upang mapag-ibayo ang daloy ng impormasyon ngunit hindi napakikinabangan ng sektor ng agrikultura.

“As an agricultural country where mobile technologies have deeply penetrated even the most remote areas, FAO sees the Philippines as an ideal location to test how effectively farm-level, real-time information could be collected through SMS or text messaging,” sabi ni Fernandez.

Makatutulong ang impormasyon sa paghahanda ng mga taya sa produksiyon ng mga pananim na magsisilbing basehan sa pagpaplano at pagbubuo ng mga polisiya, aniya.

Iniulat din ng FAO na nasa 300 nagsasaka ng palay sa Pampanga ang kasalukuyang bahagi ng control group na nagpapadala ng mga text message na naglalaman ng mga aktuwal na impormasyon sa mga pananim, sa lugar at dami ng produksiyon, at sa iba pang bagay na nakaaapekto sa produksiyon, tulad ng irigasyon.

Ang PSA ang magsisilbing consolidator at magpoproseso ng mga nakalap na datos gamit ang computerized na Crowdsourcing Data Collection and Quality Control System (CrowdSS) na awtomatikong nagsusuma sa taya ng produksiyon ng palay kada tatlong buwan, ayon sa FAO.

“The result of this exercise will not only help the Philippines but also other countries that are seeking to find new ways of enhancing their forecasting processes,” sabi pa ni Fernandez. (PNA)