Ilang miyembro ng robbery gang mula sa Kalinga, na kumikilos sa ikalawang distrito ng Cagayan, ang naaresto sa Nena's Resort sa Barangay Nagattatan sa Pamplona, Cagayan.
Sa press conference kahapon, sinabi ni Chief Supt. Robert Quenery, regional director, na ang pagkakadakip sa apat na miyembro ng robbery group ay resulta ng mabilisang pagtatalaga ng mga checkpoint sa posibleng daanan ng mga ito makaraang tumangay ng P1 milyon cash at iba pang kagamitan.
Kinilala ang mga naaresto na sina Joseph Cay-ang, 35; Carlos Kitoyan, 24; Martis Gomez, 31; at Danny Dumanew, 35, pawang taga-Kalinga.
May nakapagtimbre sa mga operatiba ng Pamplona Police at Cagayan Provincial Public Safety Company kaya agad tinungo ang lugar dakong 5:50 ng hapon nitong Lingo.
Narekober sa nasabing raid ang dalawang sasakyan, dalawang pakete ng hinihinalang shabu, fragmentation grenade, at mga nakaw na cell phone.
Nabatid na huling nabiktima ng grupo nitong Mayo 19 ng gabi ang isang Bernardito Manzano sa bahay nito sa Bgy. Casitan, Pamplona, Cagayan.
Natangay ng grupo kay Manzano ang mahigit P1 milyon halaga ng mga alahas, iba’t ibang mamahaling smartphone, at cash.
Inaalam pa ng pulisya kung nasaan ang mga nabanggit na ninakaw ng mga ito na hinihinalang naipasa na sa mga kasabwat.
(Liezle Basa Iñigo)