05222017_NBI_ROMERO-1 copy

Dinakip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sampung dayuhan sa Zambales matapos maaktuhang ilegal na naghahakot ng lahar.

Sinabi ni NBI Spokesperson Ferdinand Lavin na kabilang sa mga inaresto ang siyam na Chinese at isang Indonesian.

Kinilala ang mga inarestong sina Zhining Tang, Liao Nantu, Yichang Lin, Zhibin Xu, Jingwei Chen, Hongming Zhou, Wen Haihu, Yong Wang, Tang Peilong, pawang Chinese; at ang Indonesian na si Afrizon Hary.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sinabi ni Lavin na na-inquest na ang mga dayuhan sa Office of the Provincial Prosecutor sa Iba, Zambales sa kasong pagnanakaw ng minerals, alinsunod sa Section 103 ng RA 7942, o Philippine Mining Act of 1995.

Sabado nang arestuhin ang mga dayuhan ng mga operatiba ng Environmental Crime Division (EnCD) ng NBI matapos maaktuhang nagsasagawa ng dredging operations sa bunganga ng Macolcol River sa San Felipe, Zambales.

Kinumpiska rin ng NBI ang limang barko na ginagamit sa operasyon, kabilang ang isang dredger, isang tugboat, at tatlong dump barge.

Ayon kay Lavin, kinomisyon ang mga dayuhan ng mga lokal na kumpanya upang maghukay ng lahar.

Gayunman, aniya, ginawa ng mga dayuhan ang operasyon nang walang kaukulang permit mula sa Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Labor and Employment (DoLE), at Maritime Industry Authority (Marina). (JEFFREY G. DAMICOG)