Ni JIMI ESCALA

MAY dalawang taon pa bago isagawa ang local election pero matunog na namang pinag-uusapan sa Batangas na tatakbo na raw talaga para sa isang local na posisyon si Luis Manzano. 

Cong. Vilma Santos
Cong. Vilma Santos
Susunod na raw sa mga yapak ni Cong. Vilma Santos ang kanyang panganay. Pero nang makausap namin ang Star for All Seasons nang dalawin namin sa Kongreso last week, agad umiling ang mambabatas. 

Hindi pa raw nila ito napag-uusapan. 

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“Sa totoo lang, eh, masaya ang anak ko ngayon. Tungkol naman d’yan sa sinasabing papasok na siya sa pulitika, eh, bahala na ang anak ko d’yan magdesisyon,” sey ni Cong. Vi. 

May mga nagsasabi pang parang pulitiko na nga raw si Luis Manzano dahil sa pamimigay ng tulong at pagsagot sa problema ng contestants sa programang A Minute to Win It.

Aware si Ate Vi hinggil dito dahil regular viewer siya ng programa. Nami-miss na nga raw niya ang naturang show ng panganay.

“Actually, eh, babalik naman ‘yun. Per season lang naman kasi and in fairness, sobra-sobra na ang ginawa nilang extension. Definetly babalik ang show . Pinapanood ko lagi ‘yun at natatawa ako sa anak ko,” pag-amin ng Star for all Seasons. 

Hindi lang mga taga-showbiz kungdi pati mga kapwa niya magulang ay napahanga sa pagpapalaki ni Ate Vi sa dalawa niyang anak na sina Luis at Christian. Parehong mabait at marespeto ang dalawa.

“Sa totoo lang, masaya ako sa mga anak ko. Si Christian, eh, 3rd year college na sa Ateneo. ‘Pag nag-master na siya, eh, gustong papuntahin ng ama niya sa abroad. Pagkatapos ng pag-aaral niya, eh, bahala na siya kung papasukin din niya ang pulitika,” sey ni Ate Vi. 

Wala bang balak si Christian na pumasok sa showbiz? 

“Basta ang alam ko, eh, idol niya ang kuya niya. Hindi siya mahiyain. Pulitiko rin siyang tao at artista rin. ‘Kita nyo nu’ng Guillermo Awards night, eh, hanap nang hanap ako sa kanya, eh, bising-bisi pala sa pagpapakuha ng pictures sa mga fans. Kumbaga, ganun siya ka-accommodating,” napatawang kuwento ni Cong. Vi

Speaking of politics, mukhang nag-i-enjoy na rin si Ate Vi bilang mambabatas. May balitang balak daw siyang ilalaban bilang Speaker of the House. 

“Naku po, hindi po totoo ‘yun. Dito lang sa trabaho ko, eh, medyo nahirapan na tayo. Ngayon, eh, pinag-uusaspan namin ‘yung paglalagay ng tax sa fuel. Mahabang pag-uusap pa ito. May mga pabor at meron din namang hindi,” lahad pa ni Ate Vi. 

Being the wife of Senator Ralph Recto, ‘yun ang ipinagmamalaki ni Cong. Vi. Kumbaga, ang tandem nilang dalawa ni Sen. Ralph ay naging malaking bentahe para sa kanya. 

“Karamihan sa mga batas ni Ralph sa Senado, batas ko rin sa Kongreso. Kagaya ng WiFi, universal health care at marami pang iba. Kumbaga, ako dito sa Kongreso at si Ralph naman sa Senado. 

“Ako ang nagtatanong kay Ralph, ‘yung tungkol sa kung ano ang maaaring mga advantages at disadvantages. Kagaya ng universal health, ‘yung libreng tuition fee, at iba pang mga batas,” banggit pa ni Ate Vi. 

So, pagdating sa bahay, pulitika pa rin ang pinag-uusapan nilang mag-asawa? 

“Well, we seldom talk sa mga ganu’ng bagay sa bahay. ‘Pag nakita ko na siyang medyo pagod, ayoko na siyang abalahin. Pero sometimes during dinner namin tuwing Sunday, and tiyempo naman andu’n na ang mga anak ko, eh, that’s the time we talk about politics,” kuwento ng actress/public servant.

Inamin naman ni Ate Vi na madalas na kasama ni Luis si Jessy Mendiola sa Sunday dinner nilang magpapamilya.

“Well, mabait naman si Jessy, very respectful at kitang-kita mo sa kanya ang pagiging marespeto,” banggit pa rin ng grand slam queen. 

Mahigit limang dekada si Vilma Santos sa larangan ng pelikula at telebisyon. Halos lahat ng mga kapanabayan niya ay sinasabing “falling stars” na raw. Pero nasa itaas pa rin at tinitingala siya maging ng mga kapwa niya artista. Ano ang maibibigay niyang payo sa mga taga-showbiz lalo na ang mga nag-uumpisa pa lang sumikat para magtagal dito?

“Dalawang bagay lang ang p’wede kong i-share sa kanila, ‘yung how to handle their finances. Kasi sa nangyari sa akin, naubos lahat ng pera ko but I was lucky na nabigyan ng second chance.

“Paano kung hindi ka nabigyan ng pangalawang pagkakataon kasi ang fame, eh, ang bilis, ang laki ng suweldo mo, pero hindi forever ‘yan. Kaya ‘yun ang sinasabi ko na dapat matuto tayong hawakan ang pera. 

“Isa pa, hindi dapat kalimutan ang mga taong dinadaanan n’yo na tumulong sa inyo. Dapat malalaman ng mga young stars, ang fame puwedeng two years, three years, and’yan ka, then goodbye na.

“Ang labanan ngayon, eh, longevity,” paliwanag pa ni Ate Vi. 

Buhos ang atensiyon ngayon ni Ate Vi sa kanyang obligasyon bilang mambabatas kaya naisantabi muna niya ang showbiz life. Pero tuloy pa rin naman ang dating ng offers sa kanya. 

“Well, nami-miss ko na rin talaga ang gumawa ng movies, may offer ang Star Cinema with Judy Ann Santos... sana matutuloy na kami. Binisita rin ako ng producer ni Ai Ai na si Mrs. Baby Go, pero sabi ko ipakita nila muna sa akin ‘yung script, kailangang mabasa ko muna. 

“Kilala nyo naman ako, useless ang mag-usap kung wala namang script. Ako naman, kung gusto ko ‘yung istorya, eh, hindi na tayo mahihirapang mag-usap,” katwiran na orihinal na grand slam actress. 

Nami-miss na rin daw niya ang mga kaibigan niya sa showbiz, pero wala naman siyang pinagsisisihan sa pagiging mambabatas niya ngayon. 

“Hindi ko pinagsisihan ito, Kasi ito yung priceless na karunungan at hindi ito basta-basta makukuha bilang public servant. I mean ‘yung pagkakatiwalaan ka ng tao, walang katapat na pera ‘yan. 

“Imagine when you say something, they follow you, priceless ‘yun. If I miss something, it is showbiz,” saad pa ng Star for all Seasons. 

Ikinuwento pa rin ni Ate Vi na kung sakaling hindi na siya tatakbo sa susunod na eleksiyon ay balak din daw niyang mag-produce ng indie film at puwedeng hindi siya ang bida. 

“Let’s say na medyo napagod na ako sa politics next election, kasi sa tagal ko na rin dito. Eighteen years as mayor then, governor at ngayon nga magto-two years as a congresswoman, bale 20 years na ako sa pulitika. 

“Kaya gusto kong maging producer ng indie films, ‘yun ang plano ko. Kahit hindi ako ang artista, Kung kaya ko, eh, ako ang magdidirek,”lahad pa ni ate Vi. 

Sino sa new generation ang gusto pa niyang makatrabaho? 

“Sa ngayon kasi, eh, wala pa kaming pelikulang magkasama ni Juday, not even once. Sana kami ni Judy Ann, si Shawie (Sharon Cuneta), si Coco Martin gusto ko ring makasama. Wala pa rin kami at sana nga, magka-project kami ni Vice Ganda. Marunong din naman akong mag-comedy, Vice,” natawang banggit pa ng actress/politician. 

Samantala, bilang isa sa mga gumanap bilang Darna, marami raw ang pupuwede sa mga pinagpipilian.

“Pero dapat hindi ‘yung payat na payat ang gaganap na Darna at kailangang ‘yung bang kagaya ng character ni Darna na matulungin. Kasi kung sikat ka nga pero medyo payat at wala sa character mo ang pagiging matulungin, eh, parang hindi kapani-paniwala na super hero,” pagtatapos ni Ate Vi.