Ni Marivic Awitan
Nagawang bawiin ng La Salle Dance Company ang titulo matapos gapiin ang nakatunggaling anim na grupo sa UAAP Streetdance Competition sa pagtatapos ng Season 79 noong Sabado ng hapon, sa University of Santo Tomas Plaza Mayor.
Nakakuha ang Taft-based squad ng 89 percent mula sa mga hurado dahilan, upang mabawi ang titulong huli nilang nahawakan noong 2012.
Nagpakita ang De La Salle ng kakaibang tema sa kompetisyon kabilang na ang freestyle sa ginawa nilang routine.
“Actually our theme is party/battle. At the start, party, then the battle. It is not usual for competition to include freestyle; usually if it’s competition, it’s choreographed,” pahayag ng graduating senior member ng grupo na si Paolo Deluria.
Nagkasya naman sa ikalawang puwesto ang dating 3-time champion University of the Philippines Streetdance Club.
Gumamit ng mga hits mula sa Grammy Award winner ang Diliman-based na nakakuha ng kabuuang 88.75 percent sa mga hurado.
Tumapos namang pangatlo ang University of Santo Tomas PRIME na nakapagpakita ng mas matinding performance ngayong taon na nagbigay sa kanila ng 85.75
percent.
Sumunod naman sa kanila ang UE Armada (83.25), FEU Dance Company (79.25), Company of the Ateneo Dancers (78.5), at Adamson CAST (75).