BALER, Aurora – Bilang suporta sa kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga, magsasagawa ang Department of Education (DepED) ng random drug testing sa mga kawani nito at mga estudyante sa Aurora.
Ayon kay Schools Division Superintendent Edgar Domingo, nakumpleto na ng lima sa mga kawani nito ang mga pagsasanay at ngayon ay maaari nang kumalap ng mga sample para sa drug testing, sa pakikipagtulungan ng Department of Health (DoH) at DepEd Central Office.
Batay sa record ng DepEd noong 2016, may 54,539 na estudyante ang naka-enroll sa mga pampublikong paaralan sa Aurora. Mayroon ding 1,895 guro sa mga pampublikong paaralan sa elementarya at high school, habang 117 naman ang guro sa senior high school.
Sinabi ni Domingo na ang tanggapan ng Schools Division ay may 74 na kawani.
Ang mandatory drug testing ay alinsunod sa Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act, na nag-oobliga sa mga estudyante ng high school at kolehiyo na sumailalim sa random drug testing batay sa mga patakarang nakasaad sa student handbook, at may permiso ng mga magulang.
Saklaw din ng random drug testing ang mga guro sa mga paaralang elementarya at high school, at mga opisyal at kawani ng Central, Regional, at School Division offices. (Franco G. Regala)