Nagsisimula nang maghanda ang inter-agency task force ng Department of Education (DepEd) para sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hunyo 5.
Alinsunod sa direktiba ni Education Secretary Leonor Briones, nakikipagtulungan na sila sa mga ahensiya ng gobyerno at mga non-government agency na bumubuo sa Oplan Balik Eskuwela (OBE) inter-agency task force para masiguro ang maayos na pagbabalik-eskuwela sa susunod na buwan.
Nabatid na sa isinagawang pulong, tinalakay ng kinauukulan ang aksiyon sa seguridad, traffic management, probisyon sa mga pasilidad ng mga paaralan at mga nakatokang responsibilidad sa mga kasapi ng task force.
Kabilang sa mga kasapi ng task force ang Departments of Energy, Health, National Defense, Interior and Local Government, Public Works and Highways, Social Welfare and Development, Trade and Industry, at iba pa.
Kaugnay nito, nabatid na simula sa Sabado, Mayo 27, ay magbubukas na ng information at action center sa tanggapan ng DepEd sa Pasig City para sa mga katanungan o reklamo ng publiko. - Mary Ann Santiago