Ni GENALYN D. KABILING

Nakahanda si Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng aksiyong legal laban sa isang envoy ng United Nations (UN) sa mga walang basehang alegasyon nito na sangkot siya sa extrajudicial killings sa bansa.

Nagbanta ang Pangulo na aarestuhin at ipakulong si UN Special Rapporteur on Extrajudicial Executions Agnes Callamard matapos kaagad siya nitong hinusgahan nang walang tamang imbestigasyon.

Kamakailan ay bumisita si Callamard sa Manila at binatikos ang pamahalaang Duterte sa madugong kampanya kontra illegal na droga, na ikinamatay na ng libu-libong katao.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sinuportahan din ng opisyal ng UN ang pahayag ng drug abuse expert na si Carl Hart na nagsabing walang ebidensiya na ang pagamit ng shabu ay nagreresulta sa karahasan at nakapipinsala sa utak ng tao. Pinapasinungalingan ni Hart ang paulit-ulit na pahayag ni Duterte na ang tuluy-tuloy na paggamit ng shabu ay nakapagpapaliit ng utak.

“If you want to testify against me, you must be under oath, including the rapporteur. If you want to state your charges, be under oath because if there is anything false or a lie there, I will go after you,” sabi ng Pangulo sa kanyang programa sa telebisyon nitong Biyernes ng gabi.

“And I will see to it that you’ll go to jail first. Talagang hahatakin, even if you are a foreigner, I don’t know if you enjoy diplomatic advantage. But again, pagka ginawa mo ‘yan dito, I will arrest you. You are committing perjury,” aniya.

Kinontra rin ng Pangulo ang pahayag ni Callamard na hindi nakapipinsala ng utak ang shabu. Iginiit niya na ang mga gumagamit ng droga ay nagiging bayolente at nakakagawa ng mga karumal-dumal na krimen.

Binanggit niya na 77,000 Pilipino ang namatay sa mga krimeng may kaugnayan sa droga sa nakalipas na mga taon.

“Alam mo pagka ganun ang ginagawa ng tao whether you like it or not, he is crazy. Ang tao na mag-rape ng 18 years old, one year old na bata must be crazy,” sabi ng Pangulo.

Ayon kay Duterte sa paggigiit na hindi nakasasama ang shabu, isinusuhestiyon ng kanyang mga kritiko na ang mga suspek sa droga ay pinapatay nang walang dahilan.

“In-assume na tuloy ninyo na ‘yan, ibig sabihin pinatay mo for nothing, ‘yan ang gusto ninyong palabasin eh. Pinapatay ko, dahil durugista, siraulo, baka patayin mo naman ‘yung hindi loko-loko. Ngayon, sinabi ninyo yung drugs okay ‘yan, parang aspirin lang ‘yan at pinatay mo pa,” aniya.

Sinabi ni Duterte na tatanggapin niya ang muling pagbisita sa bansa si Callamard ngunit wala siyang pakialam dito.

“She can talk anytime here, punta siya dito but I would not listen to her,” aniya. “You are stupid. Now, for me to submit to you an investigation at this time now, you must be crazy, you have prejudged me.”