Ang martsa sa University of Santo Tomas sa Manila kahapon ay pagtutol sa death penalty at hindi laban kay Pangulong Rodrigo Duterte, paglilinaw ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Ayon kay Father Edwin Gariguez, executive secretary ng CBCP National Secretariat for Social Action Justice & Peace, ang “Lakbay Buhay” march-caravan ay isa lamang panawagan sa mga lider ng bansa na huwag suportahan ang pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.
“This is not anti-Digong (Duterte) or anything. This is a stand against death penalty. The intention of the mobilization is to really bring the message to the senators that they need not support death penalty,” wika ni Gariguez.
Nagkaroon ng programa at nagdaos ng Misa sa UST para sa Lakbay Buhay kahapon.
Sinabi ni Gariguez na hindi ito magtatapos sa UST dahil tutungo ang anti-death penalty advocates sa Senado sa Mayo 24, para hilingin sa mga senador na huwag suportahan ang panukalang ibalik ang parusang kamatayan. - Leslie Ann G. Aquino