MARAPAT na paghandaan ng mga pasahero ang posibilidad ng napakatinding init ng panahon ngayong Lunes at bukas, Martes, sa harap ng banta ng malawakang tigil-pasada na napaulat na isasagawa ng mga grupo ng transportasyon.
Ang heat index (HI) sa Metro Manila ngayong Lunes ay maaaring pumalo sa hanggang 40.2°C — ang pinakamataas na mararanasan sa bansa ngayong taon, babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Tinaya rin ng PAGASA na aabot ngayong Lunes ang HI sa Metro Cebu at Metro Davao sa 38.6°C at 37.4°C, ayon sa pagkakasunod.
Bukas, Martes, inaasahan naman ng PAGASA na maitatala ang HI sa 39.6°C sa Metro Manila, 38.4°C sa Metro Cebu, at 37.1°C sa Metro Davao.
Ang HI ang tumutukoy sa pakiramdam ng tao habang naaapektuhan ng temperatura ang kani-kanilang katawan, ayon sa PAGASA.
Dapat na magdoble ingat ang publiko laban sa heat cramps at heat exhaustion na nangyayari kapag ang HI ay naitala sa pagitan ng 32°C at 41°C, ayon sa PAGASA.
Maaaring mauwi sa heat stroke ang paglubha ng epekto ng matinding init ng panahon sa katawan ng tao, dagdag pa.
Sa taya na inilabas nitong Sabado, inaasahan ng PAGASA na ang temperatura ngayong Lunes at sa Martes ay aabot ng 35°C sa Metro Manila at 32°C naman sa Metro Cebu.
Ang temperatura sa Metro Davao ay papalo sa 32°C ngayong Lunes, at 33°C naman bukas, Martes, ayon pa rin sa PAGASA.
Hinimok ng PAGASA ang publiko na manatili na lang sa loob ng bahay kung maaari, nagbabala na ang matagal na pagkakalantad sa sikat ng araw—gaya ng mangyayari kung matagal na maghihintay ng masasakyan kapag may tigil-pasada—ay maaaring magpataas pa ng heat index ng hanggang 8°C.
Payo ng PAGASA sa publiko, mahalagang regular na uminom ng maraming tubig dahil kailangan ng katawan ang likidong ito upang mapanatili ang mababang temperatura. Sinabi rin ng PAGASA na makatutulong ang pagsusuot ng presko at mapupusyaw ang kulay na damit, dahil ang madilim ang kulay na damit ay tumatanggap ng init mula sa araw.
Inihayag ng mga grupo ng transportasyon na magsasagawa sila ng malawakang tigil-pasada ngayong Lunes at bukas, upang tutulan ang planong ipahinto ang pamamasada ng mga jeepney na mahigit 15 taon na. - PNA