ANG ganda ng training video ng kambal na sina Richard at Raymond Gutierrez na naka-post sa Instagram. Ang tawag ni Raymond sa ginagawa nila ay “Twin training” at paraan din ‘yun para mag-bonding silang magkapatid.
Sabi naman ni Richard, “Getting fitter together, the best way to do it twin training.”
Marami ang nag-like at positive ang comments ng netizens sa post nina Richard at Raymond na malaki na ang ipinayat.
Ang dami tuloy gustong gumaya kay Raymond at feeling nila, kung nagawa niyang magbawas ng timbang, makakaya rin nila.
Tuluy-tuloy ang training ni Richard “to get ready for battle!” At isa sa battle na binabanggit ni Richard ay ang muli niyang paggawa ng pelikula sa Star Cinema. Wala pang title ang pelikulang pagsasamahan nila nina Angel Locsin at Angelica Panganiban.
Pero hindi lang pelikula ang pinaghahandaan ni Richard dahil kasama siya sa cast ng La Luna Sangre nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na mapapanood sa ABS-CBN.
Alam ni Richard na supporting role ang kanyang gagampanan at tinanggap pa rin niya ang offer ng Kapamilya Network.
Mabuti at hindi magkakatapat ang airing ng La Luna Sangre at Mulawin vs Ravena. Mauuna lang ang airing ng Mulawin vs Ravena bukas na, samantalang ang La Luna Sangre ay sa June pa. Si Richard ang nagbida sa original na Mulawin 12 years ago. (NITZ MIRALLES)