Inutusan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na itigil ang pagpuputol ng mga punongkahoy ng Ipilan Nickel Corp. (INC) sa lugar ng minahan nito sa Brooke’s Point, Palawan, dahil sa malinaw na mga paglabag ng kumpanya.

Sa direktiba ni DENR Secretary Roy Cimatu, sinabi niyang mananagot ang kumpanya sa pagputol sa 15,000 puno dahil wala itong permit upang gawin iyon.

Ayon kay Cimatu, nagsagawa ng aerial inspection ang DENR sa tenement ng minahan, at nakumpirma ng kagawaran na ubos na ang mga puno sa lugar.

“I saw the area, wala na talagang kahoy. It was very unfortunate that this has happened,” pahayag ni Cimatu.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ibinaba ni Cimatu ang direktiba sa tulong ni Natividad Bernardino, director ng DENR-Region 4B o Mimaropa Region (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan).

Matatandaang kinansela ni dating DENR Secretary Gina Lopez ang environmental compliance certificate (ECC) ng INC dahil sa paglabag sa environmantal law.

Samantala, ibinunyag ni Pangulong Duterte sa isang panayam nitong Biyernes ng gabi kung ano ang kaisa-isang bilin niya kay Cimatu.

“Right after I swore him into office, sinabi ko lang, ‘You are there in the Department of Environment and Natural Resources, just do your duty, do it right, and always do it for the country,” sinabi ni Duterte sa pilot episode ng programa niyang “Mula sa Masa, Para sa Masa” na napanood nitong Biyernes ng gabi sa PTV4 at sa Presidential Communications Facebook page.

“He would know what to do and he will do it right,” pagtitiyak pa ng Presidente. “He's a silent guy, a very low-key personality, but he does his work very well.” (May ulat ni Argyll Cyrus B. Geducos) (ROMMEL P. TABBAD)