NASA kalagitnaan tayo ng buwan ng Mayo, ang “Buwan ng mga Bulaklak” sa Pilipinas, dahil ito ang panahon ngayong taon na magsisimula ang pag-uulan matapos ang ilang buwan ng matinding tag-init, kung kailan nagkukulay luntian ang mga taniman sa pag-usbong ng mga dahon at pamumukadkad ng mga bulaklak.
Ang Mayo ay Buwan ng mga Kapistahan din sa maraming panig ng bansa, na sinisimulan sa Pista’y Dayat ng Lingayen, Pangasinan, tuwing Mayo 1 na susundan ng mga prusisyon ng Santacruzan sa maraming bayan at komunidad na nagbibigay-pugay sa pagkakatagpo ni Santa Elena sa Banal na Krus.
Idinaraos naman sa Guimaras, Iloilo, ang Manggahan Festival nito tuwing Mayo 11-22, bilang pasasalamat sa saganang ani ng mangga. Ipinagdiriwang naman ng Angono, Rizal, at Pulilan, Bulacan, ang kani-kanilang Carabao Festival tuwing Mayo 14-15 bilang pagpupugay sa kanilang patron na si San Isidro Labrador.
Ipinagdiriwang ng Sariaya, Lucban, Tayabas, Gumaca, at Tiaong sa Quezon ang kanilang makulay na mga kapistahan ng Pahiyas tuwing Mayo 15 at pinapalamutian ang bawat bahay ng makukulay na kiping at sari-saring gulay. Tatlong araw naman ang pista sa Obando, Bulacan, tuwing Mayo 17-19 sa pagbibigay-pugay kina San Pascual Baylon, Sta. Clara, at Nuestra Senora de Salambao, at umiindak ang mga asawang walang supling habang nananalangin na biyayaan na sila ng anak habang pumaparada sa lansangan, kasama ang mga nagpapasalamat dahil nagkaanak na at ang mga magsasakang masaya sa pagkakaroon ng saganang ani.
Sa buong buwan na ito, dumadagsa ang mga mananampalataya mula sa iba’t ibang panig ng bansa, karamihan ay nagmula pa sa Metro Manila, sa dambana ni Nuestra Senora de la Paz y Buenviaje sa Antipolo, Rizal. At sa Mayo 30, magsasagawa ang Kawit, Cavite ng prusisyon ng mga float nito na napapalamutian ng mga bulaklak bilang pagbibigay-pugay sa Pinagpalang Birhen.
Napakarami nating kapistahan na gumugunita sa maraming santo ngayong buwan, ngunit pinakakilala marahil ang Mayo sa Flores de Mayo, at napakaraming komunidad ang nagdaraos ng mahabang prusisyon, habang nakasindi ang mga kandila upang tanglawan ang naggagandahang dilag na gumaganap sa mahigit sampung personalidad sa Bibliya sa pangunguna ng Pinagpalang Birheng Maria. Sa huling araw ng Flores de Mayo isinasagawa ang rituwal ng Santacruzan, na naglalarawan sa pagkakadiskubre ni Santa Elena sa Banal na Krus, kasama ang anak niyang si Constantino.
Nagmistula nang timpalak ng pagandahan ang Santacruzan sa maraming siyudad, kaya naman pinapaalalahanan ni Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, ang publiko na hindi dapat na makalimutan ang kahalagahan sa pananampalataya ng tradisyong ito.
“The Santacruzan,” aniya, “is not about beauty and about pageantry. It is about our devotion to the Holy Cross and our affection for the Blessed Mother.” Umapela siya sa publiko na isaisip lagi na ang Santacruzan ay isang relihiyosong prusisyon at ang kagandahan ay pinakamainam na maipakita sa pagiging “caring and compassionate and avoiding actions that hurt others.”
Isa itong paalala na dapat nating isapuso ang pagdiriwang natin ng tradisyunal na prusisyon ng Flores de Mayo at Santacruzan ngayong Mayo.