Inanunsiyo na noong Biyernes ng hapon sa isang simpleng pagtitipon, na pinangunahan ng mga opisyales ng Larong Volleyball sa Pilipinas (LVPI) at ginanap sa Arellano University, ang 18-man pool para sa national women’s at men’s volleyball teams.

Pormal na inanunsiyo ni national women’s team head coach Francis Vicente ang komposisyon ng kanyang pool, na pinangungunahan ni dating UAAP 3-time MVP Alyssa Valdez, at 3-time UAAP champion at back-to-back Best Setter Kim Fajardo, at UAAP Season 79 Best Spiker, Blocker at Scorer Jaja Santiago.

Kasabay nito ang pahayag ng pagkakahirang kay Mika Reyes bilang kipper ng koponan.

Kabilang din sa koponan sina UAAP Best Libero at 2016 Philippine Superliga All-Filipino Conference Most Valuable Player Dawn Macandili, 2016 PSL Invitational MVP Jovelyn Gonzaga, at ang mga beteranang sina Rachel Daquis, Aby Maraño, Aiza Maizo-Pontillas, Rhea Dimaculangan at Maika Ortiz.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Mapalad ding nahirang sa pool sina dating collegiate standouts Denden Lazaro, Geneveve Casugod, Ria Meneses, Ces Molina, Roselle Baliton, Kath Arado, at Lourdes Clemente.

Ayon kay Vicente, ang koponan, na may pangunahing misyon na magwagi ng medalya sa darating na Kuala Lumpur Southeast Asian Games sa Agosto, ay magkakaroon ng final cut bago sumabak sa AVC Seniors tournament.

“Hindi ko pa masabi kung anong kulay ng medalya pero ang goal pa rin namin is ‘yung pinakamataas. Malakas ‘yung team na ‘to,” ani Vicente.

Sa kalalakihan, inihayag na rin ni national coach Sammy Acaylar kung sinu-sino ng makakasama ni reigning NCAA MVP Johnvic de Guzman na nauna na niyang itinalagang team captain s 18-man pool.

Kabilang sa mga ito ang mga NCAA standouts na sina Bonjomar Castel, Relan Taneo, Jack Kalingking, at Herchel Ramos.

Nariyan din si dating UAAP star Mark Gil Alfafara at mga kasalukuyang UAAP standouts na sina Bryan Bagunas, Geuel Asia, Edward Camposano, Greg Dolor, Peter Quiel, at Reyson Fuentes.

Napasama rin sa pool sina Louwie Chavez, Jeffrey Malabanan at Ranran Abdilla ng Air Force gayundin ang mga southern standouts na sina John Carsacal, John Sarscena, at Dave Cabaron. (Marivic Awitan)