UMANI ng iba’t ibang reaksiyon ang huling sinulat ng yumaong Pulitzer Prize winning journalist na si Alex Tizon, tungkol sa naging alipin ng kanilang pamilya sa Amerika sa loob ng 56 taon – si Lola na tubong Mayantoc, Tarlac.
Ang pamilya ni Lola dito sa Pilipinas, kabilang na ang kanyang natitirang nabubuhay pang kapatid, ekslusibong nakapanayam ni Jessica Soho para sa kanyang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) program at inalam ang iba pang mga kuwento at pakikipagsapalaran ni Lola o Eudocia Pulido.
Itatampok din ng KMJS ang specialty sa mga fiesta. Sa Obando, Bulacan, subukan ang kanilang inihahandang rellenong alimasag tuwing pista ng Nuestra Señora Salambao. Sa La Union naman, sa sarap ng Tinungbo, ginawan ito ng sariling pista. At ngayong Pahiyas Festival sa Quezon, ang bida sa kanilang hapag-kainan, pinais na itlog ng isda, patabol at suman.
Samantalala, sa bayan ng Hernani sa Eastern Samar, may tatlong magkakapatid na lalaki na nagbibitak-bitak at nangangaliskis ang balat sa buong katawan. Dahil dito, kung anu-anong masasakit na tawag at kuwento ang ikinukulapol sa kanila. Ano ang kanilang kondisyon? At bakit nagkapare-pareho ang sinapit ng tatlong magkakapatid?
Tuklasin ang tagong yaman ng Galapagos ng Asya, ang Sibuyan Island sa Romblon. Isa sa pinagmamalaki nitong tourist attraction ang pagkalinaw-linaw at asul na asul na tubig ng isla ng Cresta de Gallo. Kumpletuhin ang biyahe sa pagbisita sa pinagmalalaki ritong Dagubdob Falls at Cantingas River. Tuklasin din sa isla ng Alad ang pangunahing ikinabubuhay sa Romblon gaya ng pag-uukit ng marmol at ang kakaibang paraan ng pangingisda sa isla ng Logbon na tinatawag na panamba.
Saan aabot ang iyong P50? Si Yona, sa loob lamang ng limang buwan, ang kanyang mga singkuwenta pesos umabot ng mahigit 43,000 pesos! Paano nga ba niya ginawa ang kanyang P50 challenge?
May lumalaking grupo dito sa Pilipinas na nangongolekta, nagkikipagpalitan ng nagmamahalan at limited na edisyon ng sapatos. Eksperto rin sila sa pagkilatis ng orig mula sa pekeng rubber shoes. Ang tawag sa kanila — sneakerheads!
Tunay na maraming lokong-loko sa rubber shoes, umabot pa nga sa puntong may nagnanakaw pa ng mga mamahaling sapatos tulad ng nakunan sa isang CCTV camera. At kilalanin din ang bride at groom, kasama ang kanilang entourage, na imbis na naka-leather shoes ay naka-sneakers sa kasal!
Abangan ang lahat ng ito sa Kapuso Mo, Jessica Soho ngayong gabi.