SAN MATEO, Isabela - Nagbabala kahapon ang pamunuan ng San Mateo Police sa kababaihan na iwasan ang pakikipag-chat sa mga hindi kilalang tao, makaraang isang ginang ang magpasaklolo sa pulisya matapos na muntik nang magahasa ng isang lalaking ka-chat nito sa Facebook.
Naging maagap naman ang San Mateo Police at inaresto sa entrapment operation sa isang hotel nitong Miyerkules ang suspek na kinilala ni PO2 James Saura na si Reynaldo Cunanan, 26, taga-Barangay 4, San Mateo.
Nabatid na tatlong buwan nang magka-chat ang suspek at ang ginang na taga-Bgy. Marasat Grande, at nagbigay pa ang biktima ng hubad niyang litrato kay Cunanan.
Tinakot umano ni Cunanan ang ginang na ipo-post sa Facebook ang kanyang litrato kung hindi sila magtatalik kaya nagsuplong ang biktima sa pulisya at nagsagawa ng entrapment sa suspek. (Liezle Basa Iñigo)