TARLAC CITY - Inihayag kahapon ni Department of Transportation (DOTr) Senior Project Development Officer Timothy John Batan na dalawang klase ng tren ang magpapabalik-balik sa 38-kilometrong salubungang riles ng North Rail na itatayo ng Philippine National Railways (PNR).

Sinabi ni Batan na hihinto ang commuter train sa bawat daraanang bayan at lungsod, ngunit hindi titigil ang express train, na ang ruta ay mula sa Maynila hanggang sa Clark International Airport.

Napag-alaman na aabot sa 25 milyong katao ang makikinabang sa itatayong North Rail Line ng PNR sa unang taon pa lamang ng operasyon nito.

Tiniyak naman ni Batan na masisimulan na ang proyekto sa huling bahagi ng 2017, ngayong tapos na ang detailed engineering design at feasibility study para rito.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Binanggit din ni Batan na nasa P93.45 bilyon ang ipinautang ng gobyerno ng Japan para sa proyekto, sa ilalim ng Official Development Assistance, habang may P16.5 bilyon counterpart fund naman ang pamahalaan ng Pilipinas.

Kabilang sa mga gagastusan ang pagbili ng 13 bagong set ng electric train, gaya ng sa Light Rail Transit (LRT).

Bawat isang train ay may walong dugtong na kayang magsakay ng hanggang 340,000 bawat araw.

Ayon sa report, sa pagsisimula ng operasyon ng tren sa 2021 ay magiging 35 minuto na lamang ang biyahe mula sa Malolos City, Bulacan hanggang sa Tutuban sa Maynila, kumpara sa kasalukuyang isa at kalahating oras.

(Leandro Alborote)