NAKATAKDANG gumanap si Catherine Zeta-Jones bilang ang Colombian drug queen na si Griselda Blanco sa upcoming biopic para sa Lifetime Network.
Ang Cocaine Godmother ay ididirehe ng Oscar-winning cinematographer na si Guillermo Navarro. Magsisimula ang shooting ng pelikula sa huling bahagi ng taong kasalukuyan at ipapalabas sa 2018.
Ang proyekto, isinulat ni David McKenna, ay sesentro sa marahas na pagmumuno ni Blanco bilang cocaine dealer sa Miami, Florida noong 1970s at 1980s. Hinatulan siyang makulong ng sampung taon nang maaresto noong 1985. Pinatay si Blanco sa Colombia noong 2012.
Dating nakakontrata si Catherine sa isang biopic tungkol kay Blanco, na pinamagatang The Godmother. Nakatakda sanang idirehe ng Norwegian director na si Eva Sorhaug ang pelikula, pero hindi malinaw kung bakit hindi ito natuloy.
Hindi lamang si Catherine ang aktres na gaganap sa pelikula sa papel ni Blanco dahil pumirma rin ng kontrata si Jennifer Lopez para magbida at maging executive producer ng isang pelikula para sa HBO Network.
“I’ve been fascinated by the life of this corrupt and complicated woman for many years,” saad sa press release ni J.Lo. “The idea of teaming with HBO felt like the perfect fit for finally bringing Griselda’s story to life.”
Nakatala rin si Alex Pettyfer bilang co-executive producer, ayon sa Deadline.com, ngunit hindi malinaw kung ang Magic Mike actor ang magbibida sa pelikula. Hindi pa inihahayag kung kailan ito ipalalabas.
Bumuo rin si Mark Wahlberg ng pelikula na pinamagatang Cocaine Cowboys noong 2012 at ibinunyag na sabik si Jennifer na magbida bilang si Blanco sa kanyang pelikula, at binanggit na pambato sa Best Actress Oscar ang papel.
(Cover Media)