Sa ating bansa, mahirap makahanap ng updated na datos ukol sa sitwasyon ng mga may kapansanan. Kaya nga mahirap talaga malaman ang tunay na sitwasyon ng persons with disabilities (PWDs) at bigyan ng aksiyon ang tunay nilang kalagayan kung kinakailangan.

Base sa 2010 census, ang pinakahuling census na kasama ang PWDs, 1.4 milyong Pilipino ang may disability. Halos kalahati (49.1%) ay babae. Pinakamataas din ang antas ng kapansanan sa hanay ng mga nasa edad 5-19.

Makailang beses nang nanawagan ang United Nations, mga kapanalig, na bigyan natin ng atensiyon ang mga bata at babaeng PWDs. Nasa 15% ng global population, o isang bilyong katao, ang may kapansanan. At ang mga babae at bata ang kadalasang nakararanas ng mas palasak na diskriminasyon.

Ang mga babaeng PWDs ay madalas maging biktima ng gender-based violence at wala silang kalaban-laban. Nakararanas din sila ng diskriminasyon pagdating sa kanilang karapatan sa kalusugan, partikular na sa reproductive rights. Ang mga batang PWDs naman ay mas hirap makapag-aral. Kaunti lamang ang mga institusyon na nag-aalay ng mas akmang serbisyo para sa mga may kapansanan.

Ang Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ay may pag-aaral ukol sa PWDs sa ating bansa. Nag-survey sila sa mga PWDs sa Cebu. Sa pag-aaral na ito, nakita na mataas ang gender gap sa edukasyon at trabaho sa hanay ng mga babaeng PWD.

Nakita sa pagsusuri na hindi sapat ang aksiyon ng gobyerno ukol sa paniniguro na mas maaga made-detect ang kapansanan sa mga bagong silang. Ito ay isang malaking gap, dahil kung mas maaga malalaman kung may kapansanan o wala ang isang tao, mas madali at mas maaga ang mga intervention na maaaring ialay sa kanila. Kung meron mang mga pagsusuri na maaaring gawin upang malaman kung may kapansanan o wala, mahal ito. Hindi ito kayang tustusan agad-agad ng ordinaryong pamilya.

Ayon din sa pag-aaral, ang access sa mga health facilities ay mahirap para sa mga PWD. Malayo ang mga pasilidad, at kailangang gumastos nang malaki para makaabot dito, lalo na kung sa rural area manggagaling. Kahit walang kapansanan, mahirap makakuha ng pangkalasugang serbisyo dahil sa layo, paano pa kaya kung babaeng PWD at nagdadalang tao?

Ilan lamang ito sa mga karaniwang paghihirap ng mga babae at batang PWD. Trabaho, access sa batayang serbisyo, at gender-based violence: malalaking isyu na hinaharap ng maraming PWD sa ating bansa. Kailangan na nito ng agarang aksiyon.

Ang Gaudium et Spes ay may akmang aral para sa isyu na ito: Magkakaiba man, lahat naman tayo ay may pantay-pantay na dignidad. Mula sa dignidad na ito, dapat tayong kumilos upang mas patas at makatao ang kondisyon ng bawat isa sa atin. Ang hindi pagkakapantay-pantay ng sangkatauhan ay isang iskandalong sumisira sa panlipunang katarungan, ating dangal, at ng kapayapaan. (Fr. Anton Pascual)