ROSELLE MOTHER LILY AT AI AI copy

WELL-LOVED ng entertainment press si Mother Lily Monteverde dahil marunong mag-share ng blessings kapag kumikita ang pelikula niya. Pero kahit naman hindi rin kumita, lagi pa rin siyang nakahandang tumulong kapag nilalapitan.

Hindi pa man umaabot sa hundred millions ang kinikita ng Our Mighty Yaya sa loob ng isang linggo, nagpa-victory party na siya sa entertainment press/bloggers/online writers, kaya napakasaya ng event nitong Huwebes sa Valencia Events Place.

Masaya na ang mag-inang Lily at Roselle Monteverde-Teo sa kinita ng Our Mighty Yaya sa unang araw na P6M last May 10 at pagkalipas ng isang linggo ay umabot na sa P35M and still counting.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Siyempre, bukod sa mag-inang producer, masaya rin ang mga bida ng Our Mighty Yaya sa pangunguna ni Ms. Ai Ai de las Alas na matagal na panahong hindi nakagawa ng pelikula at nag-akalang hindi na siya tatangkilikin ng moviegoers.

Kaya naging emosyonal si Ai Ai sa pagbabalik-tanaw niya sa maraming pagsubok na dumating sa buhay niya, at naisip pa niyang umalis na lang sa showbiz.

“Kasi mga three or four years ago, dumaan ako sa maraming pagsubok,” napaiyak na kuwento ng Comedy Queen. “Namatay ‘yung nanay ko, flop ‘yung movie namin, mahirap tanggapin ‘yun, ‘tapos nahiwalay ako sa asawa ko.

“Lahat sunud-sunod na nangyari. So, sabi ko sa sarili ko, may nagawa ba akong hindi maganda? Baka hinampas ako ni Lord, di ba? Pero nu’ng nasasaktan ako nu’ng time na ‘yun, tinatanong ko siya Lord, ‘Bakit, ano’ng nagawa kong masama? Bakit nangyari sa akin ito?

“Kaya ako emosyonal kasi ito ‘yung sagot. ‘Anak, maghintay ka lang kasi lahat ibabalik ko sa ‘yo sa tamang panahon.

“Actually, ‘yun talaga ang totoo kong plano kaya ako bumili ng bahay sa Amerika after ng lahat ng pangyayari sa buhay ko, pati sa family ko at sa marriage ko, dapat hindi na ako mag-aartista. Pupunta na lang ako sa Amerika. Doon na lang ako sa mga anak ko, until nag-usap kami ni Boy (Abunda) para sa APT (Productions) hanggang mapunta ako sa GMA at nag-Sunday Pinasaya ako. ‘Yun ang nangyari.”

Ang mag-inang Mother Lily at Roselle ang nagtiwala sa kanya para makabalik sa pelikula, ito na ngang Our Mighty Yaya.

“Actually, kaya ako naiiyak ngayon kasi nawalan na ako ng kumpiyansa sa sarili ko. Kaya ako naging emosyonal dahil may mga naniniwala pa pala sa akin at marami ang tumutulong sa akin para mapanatili sa posisyon ko sa show busines,” pagtatapat ng komedyana.

Nagpasalamat din ang Regal matriarch sa kanya, para siguro gumaan ang pakiramdam ni Ai Ai.

“You know what, Ai Ai? Thank you for making me rich again,” nakangiting sabi ni Mother Lily.

Samantala, tinanong si Ai Ai kung posible ang pagbabalik niya sa ABS-CBN.

“Puwede naman akong mag-guest doon, basta magpaalam lang ako sa GMA, huwag lang magkaroon ng show kasi may kontrata pa ako. Pero sa Star Cinema, puwede akong gumawa ng pelikula sa kanila.

“So if ever, kahit hindi naman ako mag-renew, mga shows ko, nasa GMA-7 pa rin. Hindi naman sa ayaw, kung puwedeng mag-freelance muna ako. Kasi more of movie naman ang ginagawa ko, eh. If puwede ‘yung ganu’n. Hindi ko iiwan ang Sunday Pinasaya pero puwede akong mag-soap sa kabila (ABS-CBN), gusto kong ganu’n. Gusto ko kasing mag-soap, eh,” paliwanag ng aktres.

Hindi lang ang Comedy Queen ang masaya sa tagumpay ng Our Mighty Yaya pati na sina Megan Young, Zoren Legaspi, Sofia Andres, Kiko Nicolas, Lucas Magallano, Alysson McBride at Beverly Salviejo, mula sa direksiyon ni Jose Javier Reyes.

(REGGEE BONOAN)