ZAMBOANGA CITY – Napatay ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu nitong Biyernes ng madaling araw, habang isang mag-amang bandido ang sumuko sa militar sa Basilan gabi nitong Biyernes.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesperson Capt. Jo-Ann Petinglay, bandang 2:00 ng umaga nitong Biyernes nang makabakbakan ng mga tauhan ng 61st at 65th Marine Company, Marine Special Operation Group, at 2nd Special Forces Battalion, ang mga tauhan ng una nang napatay na Abu Sayyaf sub-leader na si Alhabsy Misaya, sa islang barangay ng Bangalaw sa Banguingui, Sulu.

Sinabi ni Petinglay na napatay sa nasabing engkuwentro ang bandido na kinilala lang sa pangalang Imbo, at nasamsam ng militar ang isang M16 rifle, at mga magazine at bala ng M16.

Walang iniulat na nasugatan sa panig ng militar, habang pinaniniwalaang ilan sa mga kasamahan ni Imbo ang grabeng nasugatan dahil sa mga bakas ng dugo sa lugar.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Nang kapkapan si Imbo, nakadiskubre umano ang militar ng isang sachet ng hinihinalang shabu kasama ng limang walang laman na sachet, at isang cell phone na naglalaman ng mahahalagang impormasyon tungkol sa mga kapwa nito bandido.

Sumuko naman sa Joint Task Force Basilan ang mag-ama na tauhan ng ASG sub-leader na si Nurhassan Jamiri, sina Janatin Mudjaral Madjakin, 44; at Aldasid Madjakin, 19, sa Camp Cordero sa Campo Uno sa Lamitan City, bandang 9:30 ng gabi nitong Biyernes.

Isinuko rin ng dalawa ang isang M16A1 rifle at isang M79. (Nonoy E. Lacson)