Nadakma ng awtoridad ang tatlong drug suspect, kabilang ang isang miyembro ng communist death squad, na nag-iingat ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P800,000, sa matagumpay na operasyon sa Quezon City nitong Biyernes.

Iniharap kahapon sa media, bandang 10:30 ng umaga, ni Quezon City Police District (QCPD) director Police Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang suspek na si Jeferson Rafanan, 30, ng Barangay Bagong Silangan.

Si Rafanan, dati umanong hitman ng Sparrow Unit ng Alex Boncayao Brigade (ABB), ang unang sinorpresa ng awtoridad sa tapat ng isang hotel sa Magnolia Street, Bgy. Greater Lagro.

Nakumpiska mula sa kanya ang 81.6 gramo ng shabu, na nagkakahalaga ng mahigit P400,000, buy-bust money, cal .45 na baril at anim na bala, 1-black Volvo, UHL 367, at drug paraphernalia.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Matapos nito, inginuso ni Rafanan ang mga kasabwat na sina Rommel Buenaventura, 40, at Nenchie Narvas, 38, kapwa ng Bistek Ville, Bgy. Kaligayahan.

Pagsapit ng 7:30 ng gabi kamakalawa, sinalakay ng mga tauhan ng QCPD-Station 5 ang hideout nina Buenaventura at Narvas sa Bistek Ville.

Nasamsam sa dalawang suspek ang 12 pakete ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P424,000, isang cal .45 na baril at isang kotse na dinala sa Land Transportation Office para sa kaukulang beripikasyon.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Fairview Police- Station 5. (Jun Fabon)