Pinagsusuntok bago ilang beses na binagsakan ng bato sa ulo hanggang sa mapatay ng isang security guard ang 85-anyos niyang ama sa Barangay Purag, Sinait, Ilocos Sur, kahapon.
Kakasuhan ng parricide si Nestor Yadao, 50, security guard, kaugnay ng pagpatay sa ama niyang si Elpidio Yadao, ng Bgy. Purag, Sinait, Ilocos Sur.
Ayon sa imbestigasyon ng tanggapan ni Chief Insp. Reynaldo Mendoza, hepe ng Sinait Municipal Police, lasing na dumating ang suspek mula sa isang kasiyahan sa Cabugao, at nadatnan niya ang biktima na natutulog sa terrace ng kanilang bahay.
Makalipas ng ilang minuto, pinagsusuntok umano ng suspek ang ama hanggang sa marinig ng mga kapitbahay ang sigaw ng matanda at ang paghingi nito ng saklolo.
Ayon sa pulisya, nadatnan na lamang na duguan ang biktima katabi ang tatlong bato na kasing laki ng ulo na pinaniniwalaang na ginamit sa pagpatay ng suspek sa kanyang ama. (FER TABOY)