PALIBHASA’Y lumaki sa kanayunan, ikinalungkot ko ang pahiwatig ng isang opisyal ng Commission on Higher Education (CHED) hinggil sa pagliit ng bilang ng mga estudyante na kumukuha ng mga kurso sa agrikultura. Ang naturang pahayag ay nakaangkla sa resulta ng isang survey na nagsasaad na ang Agriculture, bukod pa sa Fisheries, ay hindi nakahihikayat sa kasalukuyang henerasyon ng mga mag-aaral sa kolehiyo at unibersidad.

Totoo na malaking porsiyento ng mga estudyante ngayon ang tinatabangang pumalaot sa mga kurso sa pagsasaka. Higit silang naaakit ng mga araling akademiko sa hangaring makasumpong ng tinatawag na white collar jobs; sa kanilang adhikaing makapagtrabaho sa ibang bansa. Hindi nila alintana ang makabuluhang misyon ng mga magbubukid sa kabila ng katotohanan na ang Pilipinas ay isang bansang agrikulutral o agricultural country. Katunayan, halos 70 porsiyento ng mga mamamayan ay naninirahan sa mga kanayunan na ang ikinabubuhay ay nanggaling sa pagsasaka.

Maaaring isang imposibleng misyon, subalit naniniwala ako na walang panahong dapat sayangin ang mga kolehiyo at unibersidad sa paghikayat sa mga mag-aaral na mag-enroll sa mga agriculture courses. Hindi dapat manghinayang ang CHED, at maging ang mga local government units (LGUs) at ang mismong mga paaralan sa pagkakaloob ng mga scholarship sa mga kurso sa pagsasaka.

Sa paghikayat sa naturang mga estudyante, marapat na bigyang-diin ang kahalagahan ng agriculture courses sa kaunlarang pangkabuhayan ng bansa, lalo ang tungkol sa pagkakaroon ng sapat na ani. Tulad ng lagi kong ipinahihiwatig, nasa pagtutulungan ng lahat ng sektor ang katuparan nating lahat upang ang Pilipinas ay maging isang rice exporting country (nagluluwas) mula sa pagiging isang rice-importing country (umaangkat), tulad ng rice importation deal na pinagtibay kamakailan ng Duterte administration.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nakatutuwang mabatid na ang ganitong panawagan ay kaagad tinugon ng lalawigan ng Nueva Ecija na pinamumunuan ni Gov. Cherry Umali. Tandisang ipinahiwatig ni Provincial Administrator Atty. Al Abesamis na hihikayatin niya ang aming gobernador na maglaan ng dagdag na scholarship para sa mga agriculture students. Maaaring maging katuwang sa ganitong pagsisikap ang provincial agriculturist ng nasabing probinsiya.

Makatuturan ang pakikipag-ugnayan ng pamunuan ng Nueva Ecija sa liderato ng Central Luzon State University (CLSU) at ng iba pang institusyon. Sa mga ito nagpapakadalubhasa ang ating mga mag-aaral, kabilang na ang mga dayuhan, sa larangan ng agrikultura.

Ang ganitong mga pagsisikap ang susi sa pagkakaroon natin ng pinapangarap na rice self-sufficiency sa tulong ng mga magsasaka – ang tinaguriang gulugod ng bansa o backbone of the nation. (Celo Lagmay)