INIHAYAG ni dating Department of Transportation and Communication (DoTC) Secretary Joseph Emilio Abaya sa komite ng Senado na bumubusisi sa mga problema ng Metro Rail Transit (MRT) 3 na pinirmahan niya ang maintenance contract sa isang bagong kumpanya nang hindi inaalam ang background ng kumpanya.
“There was a presumption that the organization — that the bureaucracy — was doing its job,” aniya.
Dahil dito, nagtitiwala sa pamunuan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nag-apruba ng mga kontrata ng MRT3 bago pa siya naitalaga, nilagdaan ni Secretary Abaya ang kanyang pangalan sa kontrata sa PH Trams CB&T, na pumalit sa naunang maintenance firm na Sumitomo. Ang PH Trams CB&T ay isang maliit at bagong kumpanya, na dalawang buwan pa lamang na naitatatag at may kapital na P625,000. Ang maintenance contract ay nagkakahalaga ng P50 milyon kada buwan.
Sakaling alam ni Abaya ang mga detalyeng ito tungkol sa bagong kumpanyang magmamantine sa mga pasilidad ng MRT, partikular na ang kawalan ng karanasan nito, hindi marahil niya nilagdaan ang kontrata. Ngunit sinabi niyang dumepende siya sa mga kawani ng DILG. Nagtiwala siya sa mga naunang desisyon ng dating kalihim na si Manuel “Mar” Roxas II.
Sinimulan nitong Lunes ng Senate Committee on Public Services ni Senator Poe ang bagong pagsisiyasat at malayo pa ang lalakbayin nito. Maraming iba pang usapin ang puntirya ng imbestigasyon, kabilang ang pagbili ng mga tren mula sa China na hindi maaaring gamitin hanggang sa 2018 dahil ang signaling system nito, na nanggaling sa Korea, ay hindi akma sa kasalukuyang MRT system, na nagmula naman sa Germany.
Hindi maiiwasang higit na pagtuunan ng atensiyon ng pagsisiyasat ng Senado ang maintenance system na pinaniniwalaang ugat ng lahat ng kapalpakan sa nakalipas na mga taon — ang biglaang paghinto ng mga tren sa pagitan ng mga istasyon kaya napipilitan ang mga pasahero na maglakad sa riles, mga pintong bumubukas habang bumibiyahe ang tren, at ang napakahabang pila ng mga pasaherong naghihintay ng masasakyan dahil sa kakulangan ng mga tren at biyahe tuwing rush hour.
Hindi naisalba ni Secretary Abaya ang kanyang sarili sa naging testimonya niya. Inamin lamang niyang hindi niya ginawa nang maayos ang kanyang trabaho — ang personal niyang tiyakin na ang lahat ng pinipirmahan niya ay wasto at lehitimo. Bigo rin siya sa palusot niyang ginawa ng mga kawani ng DoTC ang trabaho ng mga ito. Sinabi niyang nagtiwala siya sa pagpapasya ng hinalinhan niyang kalihim ng DoTC na si Roxas.
Tinanong si Senator Poe kung si Secretary Roxas ang susunod niyang ipatatawag sa pagdinig ngunit tumanggi siya, dahil iisipin ng publiko na namumulitika siya. Dapat mabatid ng senador na matindi ang mga problema sa MRT at hinahangad ng publiko ang mas maayos at mas ligtas na serbisyo. At sakali man na ilang prominenteng dating opisyal ang sangkot sa maling pangangasiwa sa nakalipas, ito ang pinakaakmang panahon upang ilatag at linawin ang mga isyu, bago pa man maapektuhan ng susunod na halalan ang ilang pagpapasya.