Todo-tanggi sa awtoridad ang inarestong isa sa apat na sinasabing holdaper na bumiktima sa isang opisyal ng Philippine National Police (PNP), at 14 na iba pa, sa loob ng pampasaherong bus sa Pasay City noong Martes.

Sa ulat ni Chief Insp. Rolando Baula, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), ganap na 11:00 ng umaga nadakip sa follow-up operation si Junel Victorino, 20, ng I Santos St., Malibay.

“Hindi ko po alam ‘yung nangyaring holdapan, bigla na lang po ako dinakma ng mga pulis,” giit ni Victorino.

Ito ay sa kabila ng pagkilala sa kanya ng isa sa mga biktima na si Inspector Paul Kenneth Magan, 23, nakatalaga sa PNP headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Hindi umano maaaring magkamali si Magan dahil si Victorino ang unang lumapit sa kanya na sinundan ng tatlo nitong kasabwat na kinilalang sina Norman Deyta, Wendel Padilla at Edgar Binayug.

Sinampahan ng kasong robbery hold-up sa Pasay Prosecutor’s Office si Victorino at tatlo niyang kasabwat na patuloy na pinaghahanap ng awtoridad. (Bella Gamotea)