Hindi nakaligtas sa kanyang mga kabaro ang AWOL (absence without official leave) cop na nahulihan ng ilegal na droga at mga ilegal na baril, na sinasabing siya mismo ang gumagawa, sa Parola Compound sa Binondo, Maynila kamakalawa.

Kinilala ni Police Supt. Amante Daro, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 11, ang suspek na si dating PO1 Cornelio Juanitas, Jr., alyas Intoy, 34, dating nakatalaga sa Regional Personnel and Holding Account Unit (RPHAU) ng Philippine National Police (PNP) at residente ng 167 Area C, Gate 54, Parola Compound, Binondo.

Inaresto ang suspek, bandang 5:15 ng hapon, sa kanyang bahay matapos makatanggap ng tip na nag-iingat ito ng hindi lisensiyadong baril.

“Noong ma-sense niya na ‘yung mga papalapit ay pulis, pumasok siya sa loob ng kanyang bahay. Naiwan niyang nakabukas kaya na-corner natin siya sa loob ng kanyang bahay,” ani Daro.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Narekober mula kay Juanitas ang dalawang cal. 45 na baril, isang kalibre .38, isang improvised handgun, isang gun replica, tatlong magazine, 24 na bala, mga hinihinalang shabu, at mga drug paraphernalia.

“Incidentally, nakuha natin ‘tong mga baril na ‘to at itong ginagamit niya sa paggawa ng baril. Ang assessment namin is nagma-manufacture siya o nagfa-fabricate siya ng baril,” dagdag pa ni Daro.

Idiniretso sa selda ng pulisya ang suspek at sinampahan ng mga kasong usurpation of authority, illegal possession of firearms, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Mary Ann Santiago)