Naisapinal na ng matataas na opisyal ng China at mga kasaping estado ng Association of Southeast Asian Nations ang draft framework para sa Code of Conduct (COC) sa South China Sea.

Nabuo ang draft framework nitong Huwebes sa 14th Senior Officials’ Meeting sa implementasyon ng Declaration on the Conduct of the Parties in the South China Sea (DOC).

Sa inilabas na pahayag kahapon, ikinatuwa ng Department of Foreign Affairs ang pagsasapinal sa draft framework at inulit ang pangako ng Pilipinas na magtratrabaho tungo sa epektibong Code of Conduct para sa South China Sea.

Ayon sa DFA, laman ng draft framework ang mga elemento na napagkasunduan ng mga partido at ipipresinta para desisyunan sa Foreign Ministers ng ASEAN at ng China sa kanilang Post-Ministerial Conference sa Manila sa Agosto 2017.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Nagkasundo ang mga kinatawan ng China at ang lahat ng 10 miyembro ng ASEAN sa framework sa Guiyang sa Guizhou province matapos ang dalawang araw na pagpupulong na nagsimula nitong Miyerkules.

Ang pulong ay magkatuwang na pinamumuan nina Chinese Vice Foreign Minister Liu Zhenmin at Singapore Permanent Secretary for Foreign Affairs Chee Wee Kiong.

Sa press briefing, ipinaliwanag ni Liu, pinuno rin ng delagasyon ng China, na ang draft framework “contains only the elements and is not the final rules.”

Gayunman, binigyang diin ni Liu na ang pagkakabuo ng framework ay isa nang “milestone in the process and is significant” dahil magbibigay ito ng magandang pundasyon para sa susunod na serye ng mga konsultasyon.

Ipinaalala niya na ang draft framework ay “internal document and nobody should publish it” para maiwasan ang anumang “interference with our future consultations.”

Sinabi rin ni Liu na sumumpa ang lahat ng partido na patuloy na isusulong ang mga negosasyon tungo sa maagang pagtatapos ng COC.

Nilagdaan ng mga kasaping estado ng ASEAN at ng China ang DOC noong Disyembre 2002 sa Cambodia upang maiwasan ang girian. Nagkasundo ang lahat ng partido na hindi gagamit ng pananakot o puwersa para igiit ang pag-aangkin sa mga teritoryo sa dagat. (Roy c. Mabasa)