LABIS na naging abala ang linggong ito para sa mga paaralan sa bansa. Simula nitong Lunes, nagtutulung-tulong ang mga residente ng komunidad sa paglilinis at pagkukumpuni ng mga silid-aralan at bakuran, inilalaan ang kanilang panahon at pagod upang maihanda ang lahat sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 5.
Sa buong linggong ito, abala sa pagpipintura ng mga dingding ng silid-aralan at pasilyo ng gusali ang mga volunteer, kinukumpuni ang mga sirang upuan at mesa, inihahanda ang mga pisara at iba pang pasilidad sa loob ng silid-aralan, at nililinis ang kapaligiran, upang matiyak na sa pagbabalik ng mga estudyante matapos ang mahabang bakasyon ay nakahanda na ang lahat para sa panibagong taon ng pagkatuto.
Ito ang Brigada Eskuwela, ang malawakang programa na nagsimula noong 2003 at bahagi ng programang Balik Eskuwela ng Department of Education (DepEd). Higit pa sa programa sa pagmamantine sa mga eskuwelahan, hinihimok nito ang mga komunidad upang ang mga lokal na residente, mga grupong sibiko at mula sa simbahan, at ang komunidad ng negosyo ay makararamdam ng malasakit sa mga eskuwelahang saksi sa paghubog sa kinabukasan ng kanilang mga anak.
Hindi mandatory ang Brigada Eskuwela nang magsimula ito noong 2003 at nasa 30 porsiyento lamang ng mga paaralan sa bansa ang nakibahagi. Ngunit pagsapit ng 2007, lahat ng pampublikong paaralan sa bansa ay naging bahagi na ng malawakang pagkilos na ito. Iba-iba ang paraan ng pakikibahagi ng mga komunidad—nag-donate ng mga materyales para sa pagkukumpuni ng mga sirang silya, pintura para sa mga dingding, libreng serbisyo ng mga karpintero, mason, hardinero at sinumang maaaring magpinta gamit ang brotsa, libreng pagkain para sa mga volunteers, at pondo mula sa mga negosyante at iba’t ibang organisasyon. Noong 2012, ayon sa DepEd, ang kabuuang kontribusyon sa Brigada Eskuwela ay umabot sa P1.51 bilyon sa buong bansa. Pagsapit ng 2016, lumobo sa P7.26 bilyon ang mga kontribusyon para sa programa.
Ngayong taon, sa ilalim ng pamumuno ni Education Secretary Leonor Briones, bukod sa Brigada Eskuwela ay magdaraos din sa mga paaralan sa bansa ng mga lecture laban sa paggamit ng ilegal na droga. Hihimukin din ang mga hindi regular na pumapasok sa klase at isasailalim sa Alternative Learning System, na matagal nang adbokasiya ni Secretary Briones.
Ang mga eskuwelahan sa Pilipinas ay ang sentro ng buhay sa ating bansa, kung saan hinuhubog ang ating kabataan upang maging mabubuting mamamayan. Sa lahat ng institusyon ng gobyerno, ang paaralan ang pinakamalapit sa komunidad. Naging mas malapit pa ito sa puso ng mamamayan sa taunang programa ng bayanihan, pagkakaloob ng donasyon, at sama-samang pagkilos ng mga komunidad, sa pamamagitan ng Brigada Eskuwela.