Nagpasya ang Pilipinas na huwag nang tumanggap ng development assistance mula sa European Union upang ipakita ang independent foreign policy ng bansa, sinabi ng Malacañang kahapon.

Inihayag ni Executive Secretary Salvador Medialdea na handa ang Pilipinas na pakawalan ang halos 250 million euro ($278.88M) halaga ng grants para hindi na pakikialaman ng European Union ang internal affairs ng bansa.

“We’re supposed to be an independent nation,” tugon ni Medialdea sa mga katanungan ng mga mamamahayag.

Hindi ikinatuwa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pagbatikos ng EU sa kanyang polisiya sa digma kontra illegal na droga, na ikinamatay na ng mahigit 9,000 suspek sa droga.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Noong Oktubre, hinamon ni Duterte ang Europe at United States na iurong ang kanilang development assistance kung hindi sila sang-ayon sa kanyang paraan ng pagsugpo sa illegal na droga sa bansa. “We will not beg for it,” sinabi niya. “How do you look at us? Mendicants?”

Sa press briefing kahapon, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na inaprubahan ni Duterte ang rekomendasyon ng Department of Finance “not to accept grants that may allow to interfere with internal policies”.

Nilinaw ni Abella na hindi ito nangangahulugan na tatanggihan na rin ng Pilipinas ang aid o grants mula sa iba pang international aid-giving bodies gaya ng United Nations (UN).

“We’ll take it on a case to case basis. We can accept or respectfully decline that which we find objectionable,” aniya.

Kumpiyansa si Abella na kakayanin ng Pilipinas kahit na wala ang tulong pinansiyal ng EU. “We can manage,” aniya.

Gayunman, tatanggapin pa rin ng Pilipinas ang humanitarian aid mula sa EU, lalo nasa panahon ng krisis basta’t walang kondisyon. “Kung magkabagyo at tumulong sila well, tinatanggap naman natin iyon,” aniya.

Sinabi niyang magpapatuloy pa rin ang mga umiiral na proyekto ng EU sa bansa.

Naniniwala naman si Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na maaaring magbago pa ang desisyon ng pamahalaan kaugnay sa pagputol sa tinatanggap na tulong.

“I will not take that as a policy,” aniya sa mamamahayag. “It is more of a reaction to criticism. I don’t think it’s going to remain as such.”

Kinumpirma ni EU Ambassador to the Philippines Franz Jessen na inimpormahan sila nitong linggo sa desisyon ng bansa na tumigil na sa pagtanggap ng tulong mula sa Europe, na nagpopondo sa halos 100 community projects sa Pilipinas.

“The Philippine government has informed us they no longer accept new EU grants,” sabi ni Jessen nang hindi nagbibigay ng detalye.

Inihayag naman ni Thelma Gecolea, public affairs officer ng EU delegation sa Pilipinas, na makaraang matanggap nila ang abisong ito mula sa gobyerno ng Pilipinas ay inihinto na ng EU ang pagkakaloob ng anumang tulong sa Pilipinas.

Inaasahang maglalabas ang EU ng pormal na pahayag ngayong linggo na nag-aanunisyo sa pagtatapos ng funding agreement nito sa Pilipinas.

Nag-abot ang Europe ng 130 million euros bilang development assistance sa Pilipinas mula 2007-2013. Noong 2015, nangako itong magkakaloob ng 325 million euros sa loob ng apat na taon para pondohan ang mga proyekto sa Muslim Mindanao. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS, BETH CAMIA, ROY MABASA, at REUTERS)