INAASAHAN ng BMI Research na magiging kahilera ng Pilipinas ang Myanmar, Ethiopia, Qatar, at Pakistan sa may pinakamabibilis lumagong sektor ng konstruksiyon simula ngayong 2017 hanggang 2021.

Ayon sa sangay ng pananaliksik ng Fitch Group, ang pagsigla ng konstruksiyon sa mga nabanggit na bansa ay gagabayan ng pangangailangan sa mas maayos na logistics profile at imprastruktura, maliban sa Qatar, kung saan ang mga pamumuhunan sa imprastruktura ay bilang paghahanda sa idaraos doon na FIFA World Cup 2022.

Sa pagtaya nito sa imprastruktura na inilabas nitong Miyerkules, ang karaniwan na taunang paglago sa sektor ng konstruksiyon sa Pilipinas sa susunod na limang taon ay tinataya sa 11.2 porsiyento.

Pinakamataas ang pagtaya ng BMI Research para sa Myanmar sa 13.5 porsiyento, kasunod ang Ethiopia sa 13.2 porsiyento, Qatar sa 12.1 porsiyento, at Pakistan sa 11.8 porsiyento.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ayon sa BMI Research, ang determinasyon ng ating gobyerno na maglunsad ng mga proyektong imprastruktura ay bilang suporta sa pag-alagwa ng sektor ng konstruksiyon.

“The Philippines’ construction market is set to benefit from President Rodrigo Duterte’s heavy prioritization of infrastructure development, as well as funding support from China and Japan,” saad sa report ng BMI Research.

“Since taking office, Duterte has committed over US$144 billion to the sector over the next six years and deepened diplomatic ties with China in order to draw in much-needed investment into driving momentum into the Philippines’ infrastructure plans,” dagdag pa sa ulat.

Sa kanyang unang state visit sa Beijing noong Oktubre 2016, sinelyuhan ni Pangulong Duterte ang nasa US$24 billion halaga ng kasunduan sa imprastruktura at pagpopondo.

Kabilang sa mga unang proyektong imprastruktura na popondohan ng China ay ang pagtatayo ng dalawang tulay sa ibabaw ng Pasig River, na magsisilbing simbolo ng pagkakaibigan ng Pilipinas at China, at dalawang drug rehabilitation center.

Ang mga proyektong ito ay nagkakahalaga ng 550 million Chinese yuan o nasa P4 bilyon, at bahagi ng kasunduan sa 28th Joint Commission on Economic and Trade Cooperation na nilagdaan noong Marso nina Trade Secretary Ramon Lopez at Chinese Minister of Commerce Zhong Shan.

“Further supporting growth in the sector will stem from development assistance and private investment from Japan, which pledged USD8 .7billion to the Philippines in January 2017,” dagdag na pahayag pa ng BMI Research. (PNA)