NAKAKATUWA si Regine Velasquez dahil pinaglalaruan ang name ng karakter niya sa Mulawin vs Ravena na si Sandawa. Ang tawag niya sa karakter niya ay Sandawa Park (galing sa Sandara Park) na ikinatawa ng mga reporter na nakausap niya sa presscon ng fantaserye.
Si Sandawa ay dyosa ng kalikasan at tagapag-alaga ng balasik. Siya ang ina nina Dakila, Lumad at Magindara. Gagawin ni Sandawa ang lahat para hindi matulad ang bunso niyang si Magindara sa mga kapatid na nawala ang pagiging immortal dahil sa pakikitungo sa mga mortal.
“When the Sandawa role was written they really have me in mind. Sabi ni Ms. Lilybeth (Rasonable, VP for Entertainment TV ng GMA-7), sana umoo ako dahil kung hindi ko tatanggapin ang role, aalisin na lang nila sa story ang karakter ni Sandawa. May part kasing kakanta si Sandawa,“ kuwento ni Regine.
Kaya asahang kakanta si Sandawa sa Mulawin vs. Ravena na eere na sa Lunes pagkatapos ng 24 Oras, mula sa direksiyon nina Dominic Zapata at Don Michael Perez.
Sa naturang interview kay Regine, naikuwento niya ang pamba-bash sa kanya na minsan ay pinapatulan niya.
“Hindi maiwasang pumatol lalo na kung ang tina-taget sina Leila (anak nina Ogie Alcasid at Michelle van Eimeren na nakatira ngayon sa kanila ni Ogie) at Nate (anak nila ni Ogie).
“Kapag mga bata na ang bina-bash, doon na ako nagre-react. ‘Pag ako ang binash, okay lang. Sasabihin nilang matanda na ako at dahil totoo, hindi ako naaapektuhan. May nagsasabi pang laos na ako, pero nandito pa rin ako doing what I love most,” patuloy ni Regine. (Nitz Miralles)