Sa ikalawang pagkakataon, nagbago ng isip ang Department of Justice (DoJ) at nagpasyang tuluyan nang ibasura ang kaso ng droga na isinampa laban sa dating opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na si Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino at sa kapwa akusado niyang Chinese interpreter na si Yan Yi Shou.

Sa 24-pahinang resolusyon ng DoJ na pirmado ni Justice Undersecretary Deo Marco at may petsang Mayo 17, 2017, kinatigan ng kagawaran ang naunang desisyon ni State Prosecutor Theodore Villanueva na ibasura ang kaso dahil wala umanong sapat na basehan ang mga paratang laban kay Marcelino.

Ayon sa DoJ, napatunayan nina Marcelino at Yan na ginampanan lamang nila ang kanilang tungkulin at nagsasagawa ng surveillance nang datnan ng raiding team sa isang bahay sa Sta. Cruz, Manila.

Sa review resolution, ipinag-utos din ni Marco sa Manila Prosecutor’s Office na ibasura ang kasong pag-iingat ng ilegal na droga, o paglabag sa Section 11 ng Article II ng Comprehensive Dangerous Drugs Act, laban kina Marcelino at Yan at gumawa ng report sa loob ng 10 araw.

DBM Usec. Libiran, nagsampa ng 4 counts ng cyber libel laban kay 'Maharlika'

Setyembre ng nakalipas na taon nang binawi ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 49 ang naunang ipinalabas na resolusyon ng DoJ kaya muling ipinaaresto si Marcelino.

Enero 21, 2016 nang maaresto ang dalawa sa isang abandondong shabu laboratory sa Celadon Residences sa Sta. Cruz, Maynila, kung saan nasamsam ng awtoridad ang 77 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P380 milyon.

Kaagad namang nakalaya kahapon si Marcelino mula sa Custodial Center ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp Aguinaldo sa Quezon City matapos ipag-utos ng Manila RTC Branch 49, sa bisa ng mosyon ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta para sa release order. (Jeffrey Damicog at Beth Camia)