Dinampot ng awtoridad ang may-ari ng isang cell phone repair shop sa Calamba City makaraang ireklamo ng pamimirata ng foreign movies at kanyang ibinebenta.
Ayon kay Senior Supt. Ronaldo de Jesus, director ng Anti-Cybercrime Group (ACG), nag-ugat ang pagkakaaresto kay Jamal Macalabo sa reklamo ng Motion Picture Association of America kaugnay ng talamak na camera-recording.
Aniya, nagsagawa ng surveillance operation at tuluyang natunton si Macalabo sa Calamba Central Terminal sa Barangay Real sa Calamba City.
Nakumpiska sa kanya ang dalawang computer desktop, tatlong external drive, isang laptop at isang modem.
“Our forensic examiner was able to view the pirated movies saved on his computer. It was connected to a website where a lot of movies are illegally being downloaded,” ani De Jesus.
Sinabi ni De Jesus na nadiskubre rin nilang nagbebenta ang suspek ng illegally downloaded movies.
Nakatakdang sampahan si Macalabo ng paglabag Intellectual Property Code of the Philippines at Cybercrime Prevention Act. (AARON RECUENCO)