Chris copy copy

KINUMPIRMA ng mga kinauukulan sa US na pagbibigti ang ikinamatay ng singer na si Chris Cornell.

Natagpuang patay si Cornell, 52, pagkatapos magtanghal sa isang concert kasama ang kanyang bandang Soundgarden sa Detroit nitong nakaraang Miyerkules ng gabi.

Kinumpirma ng Wayne County Medical Examiner's Office sa isang pahayag na nagpakamatay ang bokalista.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

Sa naunang pahayag, sinabi ng kinatawan ni Cornell na si Brian Bumbery na "sudden and unexpected" ang pagkamatay ng rocker.

Sinabi rin niya na nakikipagtulungan ang pamilya ni Cornell sa medical examiner at humiling ng privacy.

Kinumpirma ng isang tagapagsalita ng Detroit Police sa BBC na nakatanggap sila ng tawag ilang sandali makalipas ang hatinggabi nitong Miyerkules.

"He was found on the bathroom floor, our medical unit were called and he was pronounced dead on scene," ayon sa spokesperson.

"A family friend went to go check on him and observed him on the bathroom floor. The body was transferred to the medical examiner's office."

Nagpahayag ang opisina ng medical examiner nitong Huwebes: "The cause of death has been determined as hanging by suicide. A full autopsy report has not yet been completed."

Ang Soundgarden concert ay bahagi ng malaking tour kaya may ilan pang nakatakdang live dates ang grupo sa huling bahagi ng buwang ito.

Nagbigay-pugay si Sir Elton John sa pamamagitan ng kanyang tweet na: "Shocked and saddened by the sudden death of @chriscornell. A great singer, songwriter and the loveliest man."

Dinugtungan ito ng gitarista ng Led Zeppelin na si Jimmy Page ng: "RIP Chris Cornell. Incredibly talented, incredibly young, incredibly missed."

Isinilang si Cornell noong Hulyo 20, 1964.

Bilang solo artist, naglabas siya ng apat na studio album - ang huli ay ang Higher Truth noong 2015.

Ang pinakamalaki niyang single sa UK ay ang You Know My Name noong 2006, na theme song ng Casino Royale, na pinagbidahan ni Daniel Craig.

Siya ang unang male American artist na nagsulat at nag-record ng theme song para sa isang James Bond movie.

Pero mas sikat siya bilang lead singer ng Seattle band na Soundgarden, na nabuo noong 1984 at naglabas ng anim na studio albums simula noon.

Noong nakaraang taon, kinumpirma ng banda na magbabalik sila sa studio para magrekord ng bagong materyales at inihayag ang kanilang bagong tour ngayong taon.

Nitong Miyerkules ng gabi, nag-tweet ang Fox Theatre sa Detroit ng mga larawan ng banda habang nagtatanghal sa entablado.

Nag-tweet din si Cornell mismo ng: "Finally back to Rock City!"

Ang pinakamatagumpay na album ng Soundgarden sa UK ay ang Superunknown noong 1994, na naging number four sa chart.

Noong 2001, sumali si Cornell sa rock supergroup na Audioslave, siya ang lead vocals, kasama ang Rage Against The Machine members na sina Tom Morello, Tim Commerford at Brad Wilk (drums).

Naglabas ang grupo ng tatlong album – na pumasok lahat sa top 20 sa UK – ngunit nabuwag ang banda noong 2007.

Sa pagpanaw ni Cornell ay natapos ang isa pang kabanata sa grunge music, ang subgenre na umusbong sa Seattle noong huling bahagi ng 1980s na pinaghalo ang rough edges ng punk rock na may malungkot na himig.

Ang frontman na si Kurt Cobain ng Nirvana, na naghari sa grunge scene, ay nagpakamatay noong 1994 at ang Stone Temple Pilots singer na si Scott Weiland ay namatay habang nasa tour bus noong 2015 dahil sa drug overdose.

Ang huling awitin ni Cornell na The Promise ang theme song ng pelikula ni Christian Bale tungkol sa Armenian genocide.

"One promise that always remains / No matter the price," ani Cornell sa awitin. "A promise to survive, persevere and thrive." (BBC/AFP)