NANG mapansin ko ang petsa ngayon sa kalendaryong nakapatong sa aking computer table, biglang nag-flashback sa aking isipan ang isang pangyayari, 22 taon na ang nakararaan, na naging headline sa mga pahayagan at halos magpatigil sa pag-inog sa mundo ng ating mga alagad ng batas, dahil sa kasong kinakaharap noon ng matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP).

Anim na taong itong naging bahagi ng pangunahing balita sa media, bago unti-unti nawala sa limelight – kagaya ng iba pang kontrobersiya sa ating lipunan – at tuluyan nang nabaon sa limot sa paglipas ng panahon.

Ang tinutukoy ko ay ang police operation sa Commonwealth Avenue sa Quezon City noong madaling araw ng Mayo 18, 1995, na binansagang Kuratong Baleleng Massacre, matapos lumutang na ang 11 napatay na kidnapper at bank robber na pawang miyembro umano ng Kuratong Baleleng Gang (KBG), ay biktima ng “salvage” na mas kilala ngayon sa tawag na “extrajudicial killings” o EJK.

Ang nalalaman ko sa “massacre” na ito ay base lamang sa mga kuwento ng mga kaibigan kong nakasama sa naturang operasyon at mga police report ng mga batikang imbestigador na ‘di kalauna’y mismong nagsiwalat sa madla na ito ay hindi lehitimong police operation kundi isang “salvage operation” na plano ng ilang pangunahing pinuno noon ng PNP.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Dalawa lang kaming taga-media ang nakatunog sa unang bahagi ng operasyong ito ng mga operatiba ng Anti-Bank Robbery Task Force (ABRTF) na binubuo ng mga ahente mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Highway Patrol Group (HPG) at Special Action Force (SAF), na isinagawa noong gabi ng Mayo 17, 1995 sa “hideout” ng KBG, sa Superville Subdivision sa Las Piñas.

Natatandaan ko pa, Miyeskules noon ng umaga, nang makatanggap ako ng message sa aking beeper/pager mula sa isa kong kaibigang imbestigador sa CIDG, hinggil sa gagawing operasyon ng ABRTF para hulihin ang grupong hinihinala nilang responsable sa pangho-hold up ng $3 million sa isang money changer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ilang araw pa lamang ang nakalilipas. Busy ako noon kaya ibinilin ko na ang aking “legman” na lamang – na nauna ko nang ipinakilala sa mga kaibigan kong operatiba sa Camp Crame na maaari nilang pagkatiwalaang isama sa mga operasyon para kumuha ng litrato – ang sasama sa kanila sa lakad na iyon sa Las Piñas.

Ang sinasabi kong “legman” ay si Mandy Capili, isang drayber ng pampasaherong jeep, na gustong maging isang police reporter / photographer na nakilala ko sa mismong media lounge sa PNP-Public Information Office (PIO) na pinaiistambayan daw sa kanya ng editor ng isang tabloid para... i-cover.

Palakaibigan si Mandy, magaling makisama at madaling pakiusapan at turuan kaya agad ko siyang nakasundo. Ipinakilala ko siya sa mga dapat na ikutan na mga sources sa Camp Crame para makakuha ng balita. Hindi siya talaga marunong magsulat o gumawa man lang kahit maikling lead ng isang istorya, ngunit marunong siyang pumitik ng kamera at matandain sa mga naririnig at nakikitang detalye. ‘Di niya kayang isulat ang mga detalye ngunit madali niya itong naikukuwento sa akin, ika nga – “with feelings and action “ pa – kaya sisiw lang sa kanya maging “legman.”

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)