170517_ANTI DISTRACTED DRIVING_01_BALMORES copy

Pagbibigyan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang mga motoristang mahuhuling gumagamit ng mobile device, gaya ng smartphone, o gumagawa ng anumang bagay, habang nagmamaneho, sa unang araw ng pagpapatupad ng Anti-Distracted Driving Act ngayong Huwebes.

Sinabi ni Senior Supt. Norberto V. Babagay, ng PNP-HPG, na sa ngayon ay hindi muna manghuhuli ang mga highway patrol team ng mga motoristang may iba pang pinagkakaabalahan bukod sa pagmamaneho, kundi bibigyan lang ng warning ang mga ito.

Batid ni Babagay na marami pang motorista sa ngayon ang hindi alam ang tungkol sa Anti-Distracted Driving Act, na sisimulang ipatupad ngayong Huwebes.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“On the HPG’s part, we would be conducting a public information drive on the law first,” sabi ni Babagay. Aniya, pahihintuin ng HPG ang mga mahuhuling motorista para bigyan ng warning.

“We understand that the law is new to the people and we want people to familiarize themselves with the law for a period of time,” ani Babagay.

Inamin din niyang mahihirapan silang ipatupad ang nabanggit na bagong batas kung heavily tinted ang sasakyan.

“We do not instrument to determine whether a motorist is using gadgets inside their vehicle. The only way we to do this are to flag down suspected vehicle and check inside the vehicle,” sabi ni Babagay.

Pinayuhan din niya ang mga motoristang gumagamit ng mga traffic at navigation app na pansamantalang huminto sa mga emergency bay upang gamitin ang kanilang gadgets.

Alinsunod sa Anti-Distracted Driving (ADD) Law (RA 10913), ipinagbabawal ang anumang makahahati sa atensiyon ng driver, gaya ng pagte-text, pagbabasa ng text, pagtawag at pagsagot ng tawag, surfing sa Internet at social media, panonood ng pelikula o paglalaro ng games sa smartphone o anumang mobile communication device, habang nagmamaneho at kapag nakatigil sa stop light o sa intersection.