NAGTALUMPATI nitong Lunes ang ilang kinatawan ng New Car Assessment Program (NCAP) sa 7th ASEAN Automobile Safety Forum na ginanap sa isang hotel sa Makati City.
Ilang stakeholder na kinabibilangan ng mga road safety advocate, car manufacturer, government official, pulis, at iba’t ibang grupo ang dumalo sa naturang seminar.
Doon tinalakay ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga sakuna sa lansangan, na kanilang binansagan bilang ‘road crash incidents.’
Nakapangingilabot ang inihayag na tala ng Department of Transportation (DoTr) at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa kabuuang bilang ng mga road crash nitong 2016, na umabot sa 32,369.
Ayon kay Supt. Oliver Tanseco ng PNP-HPG, nakaaalarma na ang bilang ng road crash sa Pilipinas at napapanahon na upang magtulungan ang iba’t ibang sektor upang matugunan ang problemang ito.
Iginiit naman ni Mark de Leon, DOTr assistant secretary for transport, na sa Metro Manila pa lang, umaabot na sa 262 ang average road crashes na naitatala araw-araw. Ito’y may katumbas na 11 insidente kada oras.
Hindi na kataka-taka na motorsiklo ang nangunguna sa talaan ng aksidente. Ito ay sinundan ng mga pedestrian o ang mga tumatawid sa kalye.
Kailan kaya magiging ligtas ang mga Pinoy laban sa road crash sa sarili nilang bansa?
Ito ang dahilan kung bakit pursigido ang ASEAN New Car Assessment Program (NCAP) sa pagpupursigeng magbigay ng vehicle safety rating sa lahat ng sasakyan sa rehiyon.
Kaugnay sa paggunita ng United Nations Decade of Action for Road Safety 2011-2020, hangad ng grupo na makumbinsi ang bawat bansa sa ASEAN region na ipatupad ang vehicle safety rating upang magkaroon ng kaalaman ang mga consumer kung aling sasakyan ang mas makapagbibigay ng proteksiyon sa mga pasahero nito.
Kabilang dito ang isyu ng frontal collision protection, child or adult occupant protection, at iba pa.
Isinasalang ng NCAP ang mga bagong sasakyan sa collision test upang matukoy kung kaya nitong isalba ang mga pasahero sakaling masangkot sa road crash.
Gamit ng NCAP ang mga crash dummy na may nakakabit na sensor upang malaman kung ano’ng pinsala ang maaaring maidulot ng malakas na pagkakasalpok ng sasakyan sa katawan ng tao.
Kung pagmamasdan, iilan sa mga bagong sasakyan ang naghahayag ng vehicle safety rating nito na mula one-star (pinakamababa) hanggang five-star (pinakamataas).
Ang tanging nagsasapubliko ng kanilang vehicle safety rating ay ‘yung mga nakakuha ng mataas na grado na nakabase sa isinagawang crash test.
Hindi ba harang ‘yan? (ARIS R. ILAGAN)