beermen copy

NANG pakawalan ng bagitong Sta. Lucia Realtors si Allan Caidic papunta sa powerhouse San Miguel Beer noong 1993, isa lang ang pananaw ng mga basketball fans noon: Grandslam na naman ang Beermen.

Makakasama noon ni Caidic ang sinasabing Dream Team version ng San Miguel na binubuo ng 1989 Grand Slam core sa katauhan nina Ramon Fernandez, Samboy Lim, Hector Calma, Yves Dignadice, Alvin Teng, Franz Pumaren at 1992 Most Valuable Player (MVP) Ato Agustin.

Head coach ng Beermen si Norman Black, assistant niya si future multi-titled coach Jong Uichico at kasama pa bilang consultant ang Amerikanong national coach na si Ron Jacobs.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“At that time we were 12-player deep. Any of those players in that particular batch can really perform well,” ani Pumaren, head coach ngayon ng GlobalPort. “Pinag-uusapan na nga lang dun kung ilan ang ilalamang namin.”

Kasama rin sa star-studded roster ng SMB sina 1992 Rookie of the Year Ferdinand ‘Bong’ Ravena, sophomore Art Dela Cruz at mga beteranong Dong Polistico at Biboy Ravanes.

“Mataas din kasi ang expectations kasi una nga, Grand Slam team yung San Miguel. Although very welcome ako sa team, nagkaroon din ng adjustment sa sistema,” pahayag ni Caidic.

Gaya ng inaasahan, pasok sa All-Filipino finals ang Beermen nang gapiin nito ang Realtors sa semis, 3-1.

“We were a determined team but we were up against a well-oiled machine so to speak. Malaking bagay din sa kanila yung corporate backing that they had,” pagbabalik-tanaw ni SLR team manager Buddy Encarnado.

Sa kabilang semifinal series, nakalusot sa malakas din na team na Swift Might Meaties ang Coney Island Ice Cream na noon ay minamanduhan ni rookie coach Vincent “Chot” Reyes kasama ang isa pang bagong salta na si Chito Narvasa bilang assistant coach.

Coach pa ng Swift si Yeng Guiao na bagama’t bilib sa line-up ng San Miguel, tiwala siya noon na kaya nilang tibagin ang pamosong roster ng Beermen.

“Parang undeclared grandslam winner ang San Miguel nung dumating si Allan pero sila na din yung naging target ng lahat,” ayon kay Guiao. “Feeling talaga namin kami yung may chance na maka-disgrasya sa San Miguel and since they (Coney Island) beat us, that means they are that good at sila na talaga yung may best chance to beat San Miguel.”

Binubuo noon ang Ice Cream Stars ng maalamat ngunit nasa kalakasan pa na mga players na sina Glen Capacio, Dindo Pumaren, Jerry Codinera at Alvin Patrimonio kasama si streak shooter Boy Cabahug at binudburan pa nina rookie Olsen Racela, Dwight Lago at Benny Cheng.

Nagsilbing mga kuya ng batang Coney Island line-up ang mga free agent veteran na sina Abe King at Frankie Lim.

“I didn’t know any better as a rookie kaya ang feeling ko kaya namin yan maski sino pa yan. You have that idealism na you can beat anybody,” ani Reyes ”But in all honesty, pinag-isipan ko na lang talaga ang San Miguel nung nasa Finals because I really didn’t expect na papasok kami sa Finals.”

Nagwagi ang San Miguel, 100-90 sa Game One ng kanilang Best-of-Seven title series kaya naman tila nawalan ng excitement sa panonood ang basketball fans sa paniwalang lulusawin lang ng San Miguel ang Ice Cream Stars.

Sa kabila nito, hindi sumuko sina Reyes at Narvasa sa paniwalang magagawa pa nila ng paraan na makabawi sa Beermen matapos ang kabiguan.

“Bagong coaches lang kami so we were more open to experimentation. We agreed we had to keep San Miguel off balanced because you cannot beat them the conventional way,” ani Reyes “When they had Allan and Samboy on the floor, we used Abe, Jerry and Alvin para problemahin nila bigs namin.”

Kaya naman ganoon na lamang ang pagkagulat ng mga fans, lalo na ang mga nagdesisyon na hindi na panoorin ang serye nang mabasa nila sa mga pahayagan na kinuha ng Stars ang Games 2, 3 at 4.

Nakabawi ang San Miguel sa Game 5, ngunit tuluyan nang tinapos ng Coney Island ang series nang hablutin nito ang Game 6 sa overtime, 99-96 upang itala ang 4-2 series win at i-uwi ang All-Filipino crown.

Ang title conquest ng Coney Island, naganap noong May 18, 1993 o ekstaktong 24 years na ang nakararaan, ang nagsimula ng makulay na career ni Reyes na sumikwat ng walong PBA titles at limang Coach of the Year awards.

Sa panig naman ng San Miguel, nailabas na nila ang kanilang pangil nang sakmalin nito ang 1993 Governors’ Cup.

Malaking karangalan naman sa Beermen ang pagiging All-Filipino champions nang sumunod na season dahil ito ang nagbigay sa kanila ng karapatan na irepresenta ng bansa sa 1994 Hiroshima Asian Games. (Dennis Principe)