ANG bagong “Pinggang Pinoy” na dinebelop ng Food and Nutrition Research Institute ay mayroon na ring para sa ibang grupo ng edad, na karagdagan sa mga naunang adult group.
Ipinakikita ng Pinggang Pinoy ang inirerekomenda na wastong grupo ng pagkain sa bawat konsumo nito. Nagbibigay ito ng mga halimbawa ng kakainin sa loob ng isang araw para sa edad tatlo hanggang lima, anim hanggang siyam na taong gulang, 10-12 anyos, kabataang babae at lalaki, kalalakihan at kababaihang adult, mga babae at lalaking matanda, at 19 hanggang 29 na taong gulang na buntis o nagpapasuso.
Higit sa ano pa man, alinsunod ito sa food guide pyramid.
“Pinggang Pinoy is a reminder on how to fill up your plate with the right amount, proportion and quality of food,” sinabi ni Special Science Research Specialist II Salvador Serrano sa nutrition communication network media forum and monitoring meeting na idinaos sa tanggapan ng Department of Science and Technology sa Iloilo nitong Martes.
Ang plato ay nahahati sa apat na bahagi at ang kalahati ay binubuo ng mga gulay at prutas, habang ang natitirang kalahati ay para naman sa kanin at isda. Mayroon ding isang baso ng tubig sa gilid upang bigyang-diin ang kahalagahan ng pag-inom ng sapat na dami ng tubig.
“We need to continuously remind them that eating healthy food need not be expensive. You have to know the right foods and the right amount to stay healthy,” sabi ni Serrano.
Dagdag pa niya, kailangang mapaalalahanan ang publiko na ang tuluy-tuloy na pagkonsumo ng hindi masusustansiyang pagkain ay mayroong pangmatagalan na hindi magandang epekto sa kalusugan. Kalaunan, aniya, mangangahulugan ito ng mas maraming gastusin sa pagpapagamot kapag nagkasakit na.
Sinabi ni Serrano na isinusulong ng Pinggang Pinoy ang masustansiya at balanseng pagkain na pasok sa budget ng isang kumikita ng minimum.
Paliwanag pa niya, batay sa ginawang pagtaya ng Food and Nutrition Research Institute sa kabuuang kumikita ng minimum, dapat na ang sangkatlong bahagi ng suweldo ay inilalaan sa pagkain—ng masustansiya ngunit hindi masakit sa bulsa. (PNA)