MULING ginawaran ng Best Actress award si Sylvia Sanchez at sa pagkakataong ito ay sa KBP 25th Golden Dove Awards na ginanap nitong nakaraang Martes ng gabi sa Star City Theater para sa The Greatest Love na nanalo naman bilang Best TV Drama program.
Isa ang Golden Dove award sa mga pinangarap ni Sylvia na mapanalunan, kaya naiiyak siya nang malamang siya ang nanalo.
Abut-abot ang kaba ng aktres habang hawak-hawak ang tropeo sa entablado at nagpapasalamat sa lahat ng mga nagtiwala sa kanya, lalo na sa business unit head ng TGL na si Ms. Ginny M. Ocampo na nagbigay sa kanya ang role sa Gloria.
Ikinuwento rin ni Ibyang na tatlong buwan niyang ipinanalangin na sana ay mapunta sa kanya ang role sa The Greatest Love na nu’ng ialok sa kanya ay may umeere pa siyang programa na hindi niya puwedeng iwanan.
“Sabi ko sa Diyos, for 27 years hindi ako humiling maging bida at okay lang maging support lang ako, pero this time, gusto ko itong role na ito, sana ibigay Mo sa akin,” kuwento ng aktres.
Nakiusap siya kay Ms. Ginny na sana ay mahintay siya ng show, pero sinabihang pinasisimulan na kaagad ng ABS-CBN management kaya maghahanap na lang sila ng iba.
Nalungkot ang aktres sa sinabi ng boss niya, pero wala siyang magawa dahil kailangan siyempre nitong sundin ang management.
“Marami na pong umoo sa mga inalok, pero siguro para sa akin talaga ang papel na Gloria. Kaya sobrang nagpapasalamat ako sa lahat ng taong nagtiwala sa akin. Hindi rin po biro ang papel na Gloria, sobrang hirap ang pinagdaanan ko rito at ibinigay ko ang buong puso ko sa role ko,” say ng aktres.
Pero muli siyang tinawagan at sinabihang siya ang final choice para gumanap kay Gloria na may Alzheimer’s disease.
Nagtatalon siya sa tuwa na dininig ng Diyos ang panalangin niya. At pinag-aralan nang husto ang karakter.
“Sabi ko kina Ms Ginny, kina Mark (program manager), Ms. Marielle (executive producer), marami kayong makukuha na mas sikat sa akin, maraming mas magagaling sa akin, pero isa lang ang bibitawan ko sa inyo, nasa akin ang puso ni Gloria at ako ang Gloria n’yo. Kaya after three months nakuha ko, at ito naman ang bonus ko talaga, sabi ko nga, kapag nagbigay talaga ang Diyos ng biyaya, sobra-sobra, 360 degrees na umaapaw, sobra-sobra, totoo po ‘yun.
“Ako po ‘yung buhay na example roon for 27 years at ito isa lang ito sa blessings na natanggap ko, ito lang ang bibitawan kong salita sa inyo, yes ang dami kong blessings na dumating sa akin, pero walang rason para ikalaki ng ulo, ikayabang, ikabago, bagkus, isa ito sa rason para mas magiging mababang tao at mas mabuting tao. Kaya thank you to Golden Dove Awards sa paniniwala ninyo sa akin,” bahagi ng pasasalamat ng aktres.
Samantala, masayang kinunan ni Ibyang ang tropeo niya na may caption na, “sa wakas! Nahuli din kita. Maraming, maraming salamat 25th golden dove awards, sa paniniwala sa kakayahan ko bilang artista (best actress in a tv drama program) #abscbn #gmounit #tglfamilymaraming salamat, sa atin lahat ang award na ito sa asawa ko at sa mga anak ko kayo ang inspirasyon ko, campo&atayde family at sa mga kaibigan ko, salamat sa dasal at pagmamahal, mama rosyline ko, nanalo ako mama, #sylvianians at#teamatayde, salamat sa inyong lahat, sa walang sawang suporta,tiyaga pagmammahal at paniniwala sa akin bilang si mama gloria nyo, sa tanang #nasipitnon kadaug napod, tita angge, para sayo ang panalong ito at salamat sa patuloy na pagdadasal mo para akin at sa pamilya ko, love you ta a, miss kita sobra.
“At ibinabalik ko ang papuri sayo PAnginoong JESUS, maraming, maraming salamat po sa lahat lahat #gmounit #tgltv #abscbn #family #happiness #grateful #treasures #priceless”
For the record ay naka-tatlong Best Actress award na si Ibyang para sa programang The Greatest Love, na galing sa GEMS, Gawad Tanglaw at KBP Golden Dove. (Reggee Bonoan)