Walang kahirap-hirap na pumasa sa makapangyarihang Commission on Appointment (CA) si Senador Alan Peter Cayetano bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA), at nakatakda siyang magbitiw sa Senado para lubusang mapagsilbihan ang kanyang bagong posisyon.

Limang minuto lamang ang kinailangan bago inaprubahan ng CA ang appointment ni Cayetano. Agad na nagkaroon ng mosyon para sa pagtatalaga kay Cayetano na inaprubahan naman ni Senador Panfilo Lacsom, chairman ng Senate Committee on Foreign Affairs.

Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang running mate noong 2016 elections matapos pumaso ang isang taong appointment ban sa mga kumandidato sa halalan.

Pinalitan ni Cayetano si Perfecto Yasay Jr., na nabasura ang appointment dahil sa isyu ng citizenship.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ipinagpaliban naman ng CA ang pagdinig sa pagtalaga kay Judy Taguiwalo bilang Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary, at Health Secretary Pauline Jean Ubial, sa susunod na linggo.

Kumpiyansa ang Malacañang na mapapayabong ni Cayetano ang liderato ng DFA.

“Secretary Cayetano’s experience and legal acumen shall enrich the leadership of the Department of Foreign Affairs (DFA) and promote and enhance our international relations with the countries of the world,” pahayag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella.

Kinilala rin ni Abella ang mga pagsisikap at nagawa ni acting DFA secretary Enrique Manalo sa napakaikling panahon nito sa puwesto.

Sa pag-upo niya bilang DFA secretary, nangako si Cayetano na puspusang magtatrabaho at hindi na magiging madaldal.

“Actually, the bigger challenge for me now is if politicians like microphones. Diplomats should not engage in microphone diplomacy,” aniya. “You’ll hear more from the spokesman and much, much less from me.”

(LEONEL M. ABASOLA at ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)