Isinugod sa magkakahiwalay na pagamutan ang 17 katao na nasugatan makaraang bumulusok sa 10-talampakan ang lalim na bangin ang sinasakyan nilang bus matapos itong sumalpok sa isang AUV sa Calauag, Quezon, kahapon ng madaling araw.
Batay sa inisyal na report ng Calauag Police, bandang 4:15 ng umaga nang mangyari ang aksidente sa Maharlika Highway sa Barangay Doña Aurora, Calauag.
Napag-alaman na 16 sa mga biktima ay pasahero ng Isarog Bus, habang ang isa pang nasugatan ay pasahero naman ng Toyota Avanza na nabangga ng bus.
Patungong Maynila, malakas ang pagkakabangga ng bus sa Avanza dahil halos napisak ang unahan nito, na patungo naman sa Bicol.
Kapwa iniimbestigahan ng pulisya ang driver ng bus na si Rufino Hernandez at ang driver ng Avanza na si Eusebio Landicho. (BETH CAMIA)