Apat na katao ang napaulat na nasawi habang daan-daang pamilya ang apektado sa baha, na puminsala sa ilang bahay at istruktura kasunod ng malakas na ulan sa Sarangani Province, iniulat kahapon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Ayon kay Rene Punzalan, ng Sarangani PDRRMO, kabilang sa mga nasawi ang isang ginang at anak niyang paslit sa Barangay Ampon sa bayan ng Malungon, makaraang kapwa malunod sa Lumabat River.
Batay sa impormasyon, pauwi na ang mag-inang Reina Suana, 25; at James Suana, 4, mula sa sakahan at tumatawid sa ilog sakay sa kabayo nang nadulas ang hayop. Nahulog at tinangay ng malakas na agos ng baha ang mag-ina.
Natagpuan ang dalawa ngunit hindi na sila umabot nang buhay sa ospital.
Nauna rito, magkasunod na natagpuan ang bangkay ng magpinsang Ana Linando, 12 anyos; at Ronilyn Linando, sa bayan ng Glan, matapos na anurin ng baha.
Ayon sa PDRRMO, nasa 257 pamilya sa bayan ng Alabel ang apektado ng baha mula sa tatlong sitio sa Bgy. Maribulan, habang 86 na pamilya naman ang binaha sa Bgy. Baluntay.
Sa bayan ng Malungon, tatlong bahay ang nasira sa Bgy. Ampon at tatlong bahay naman sa Bgy. Banahaw ang nawasak.
Iniulat din ang pagkasira ng footbridge sa Bgy. Daan Suyan, Malapatan habang maraming pananim ang nalubog sa baha at hindi na mapakikinabangan. (Fer Taboy)