BAGUIO CITY – Sa kabuuang 1,364 na pampublikong eskuwelahan sa Cordillera Administrative Region (CAR), may 210 sa mga liblib na lugar sa rehiyon ang hindi pa rin nakakabitan ng kuryente hanggang ngayon, ayon sa Department of Education (DepEd)-CAR.
“But partnerships with the community, companies, private firms and individuals and the corporate social responsibilities of private institutions are slowly addressing this problem,” pagtitiyak ni Dr. Beatrice Torno, director ng DepEd-CAR.
Ayon sa DepEd, sa Apayao may pinakamaraming paaralan na wala pa ring kuryente, sa kabuuang 83. Pumapangalawa rito ang Abra na may 42 eskuwelahang walang kuryente, habang may 27 naman sa Benguet, 25 sa Ifugao, 16 sa Kalinga, 15 sa Mountain Province, at dalawa sa Tabuk City, sa Kalinga rin.
Sinabi ni Torno na napatunayan na ang malaking tulong ng public-private partnership at pagboboluntaryo sa komunidad sa pagresolba sa problema ng kawalan ng kuryente sa mga paaralan ng DepEd.
Aniya, karamihan sa mga paaralang gumagamit na ngayon ng kuryente sa Cordillera ay tumanggap ng mga solar panel na donasyon mula sa pribadong sektor. (Larry P. Fabian)