Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Dutetre na ang pagsisimula sa Bilateral Consultative Mechanism (BCM) sa pinagtatalunang West Philippine Sea (South China Sea) ng Pilipinas at China ay hindi makaaapekto sa iba’t ibang kasunduan na nilagdaan ng dalawang bansa.

Ayon kay Duterte, muling tiniyak nina Chinese President Xi Jinping at Premier Li Keqiang ang pangako na isulong ang mga napagkasunduan sa state visit niya noong Oktubre sa China at palalakasin ang implementasyon ng mga napagkasunduan nang proyekto.

“I’m very happy that they are sincere. They are to comply with their commitments to us,” sabi ni Duterte sa kanyag arrival speech sa Davao City kahapon ng umaga.

Kararating lamang ni Duterte mula sa Beijing matapos dumalo sa One Belt, One Road (OBOR) forum.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ng Pangulo na nag-alok ang China ng 500-million yuan (P3.6 billion) grant sa Pilipinas para sa pagtatayo ng dalawang tulay sa Pasig River, isa pang drug rehabilitation center, pagbubukas ng bagong railway system, at iba pang mga proyekto.

“We have always been very thankful to China for its generosity. We already have about 100 million coming in and they have promised us something like another 500 million,” aniya.

Samantala, tiniyak ni Duterte na hindi maaapektuhan ang magandang diplomatic relations ng China at Pilipinas ng nakatakdang pag-uusap sa isyu ng agawan ng teritoryo sa dagat.

“We looked forward to the inaugural meeting of the Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea later this month. This is one step forward in peacefully managing disputes,” aniya.

Pinanindigan ni Duterte na mas mainam na umiwas sa gulo dahil hindi ito makabubuti sa dalawang bansa.

Inulit din ni Duterte na hindi pa ito ang tamang panahon para talakayin ang arbitral ruling na iginawad sa Pilipinas ng The Hague.

“Before we boarded the plane, President Xi Jinping--we decided that there’s a time to raise [the ruling]. There is a time for me to ask about the arbitral ruling but it is not now,” aniya.

Sinabi rin ni Duterte na bukas din siya sa joint exploration kasama ang China at Vietnam sa mga pinagtatalunang bahagi ng karagatan.

“It has to be fair. It has to be balanced,” sabi ni Duterte. “If we can get something there with no hassle at all, why not?” (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at GENALYN D. KABILING)